Matabang leopard, pinagretiro na sa diet

Nagpasya ang pamunuan ng Panzhihua Zoo sa probinsiya ng Sichuan sa China na itigil na ang pagpapapayat sa 19-anyos na leopard na si Pan Baobao dahil sa katandaan nito.
Nakilala si Pan Baobao dahil sa kanyang matambok na pangangatawan na unang pumukaw sa atensyon ng mga bumibisita sa zoo at kalaunan ay nag-viral sa social media.
Marami ang naghalintulad sa kanya kay Officer Benjamin Clawhauser, isang karakter na cheetah na mahilig sa donut, mula sa animated film na Zootopia—dahil sa magkahawig nilang hubog ng katawan.
Bagama’t kinagiliwan ng madla, naging usapin ito para sa kanyang mga tagapag-alaga kaya isinailalim ang matabang pusa sa striktong diet simula 2024 upang mabawasan ang sobra nitong timbang.
Bagama’t nakapagbawas ng taba, nanatili pa ring mabilog ang pangangatawan ni Pan Baobao. Kaya nitong Nobyembre, inanunsiyo ng pamunuan ng zoo na ititigil na ang kanyang weight-loss routine. Sa halip na diet, pinapakain na siya ng 1.75 kilo ng karne araw-araw na pinaghalong baka at manok.
Ayon sa zoo, maaaring magdulot ng labis na istres sa matanda nang hayop kung ipipilit pa ang pagpapapayat. Kinumpirma naman ng mga opisyal na nasa maayos na kondisyon at walang iniindang karamdaman ang viral leopard.







