Pukpukang ensayo, babanatan ng Gilas

Photograph courtesy of SBP KUMPLETO na ang delegasyon ng Gilas Pilipinas sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Linggo, 22 Nobyembre, sa pagsisimula ng kanilang ensayo para sa ikalimang window ng 2027 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers.
Limang araw na lamang ang natitirang panahon ng Gilas Pilipinas upang mag-ensayo bago sumabak sa fifth window ng 2027 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers sa Malaysia.
Sinimulan na ng pambansang koponan ang paghahanda upang ayusin ang kanilang laro at chemistry para sa krusiyal na mga laban na makaaapekto sa kanilang puwesto sa Group E.
Kumpleto na ang lineup matapos makarating ang naturalized player na si Bennie Boatwright, na papalit kay Justin Brownlee na hindi makalalaro sa window na ito.
Lumipad patungong Malaysia ang koponan nitong Sabado, 21 Nobyembre, at dumiretso sa Seremban, kung saan nakatakdang ganapin ang kanilang mga laro. Nakasama naman nila si Boatwright nitong Linggo matapos ang kanyang obligasyon sa Chinese Basketball Association.
Sa isang post ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), makikitang kumpleto na ang koponan at nakahanda nang simulan ang paghahanda para sa nalalapit na torneo.
“Squad’s all here. Your Gilas Pilipinas Men for Window 5,” ayon sa SBP sa Facebook post nito na kalakip ang larawan ng buong koponan.
Ayon kay head coach Tim Cone, dalawang beses kada araw ang nakatakdang ensayo ng Gilas upang mapaghandaan ang kanilang mga susunod na laban.
Naging hamon din sa paghahanda ng koponan ang pagkawala ni high-flying guard Rhenz Abando, na nagtamo ng right ankle injury habang naglalaro para sa kanyang koponang Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters sa Korean Basketball League. Dahil dito, pinalitan siya ng beteranong si Troy Rosario upang punan ang bakanteng puwesto sa lineup.
Batay sa mga ulat mula sa kampo ng Gilas, kumpleto na ang 12-man lineup at nasa maayos na kondisyon ang mga manlalaro, kabilang si Kai Sotto, na kabilang sa mga dumating kasama ng koponan sa Malaysia.
May 4-4 rekord ang Gilas at nasa ikalimang puwesto ng Group E. Makakaharap nito ang Syria sa 27 Nobyembre at Iran sa 29 Nobyembre sa hangaring mapaganda ang puwesto sa qualifiers.







