Skip to content
DYARYO TIRADA

Pabili po

Conchita Layosa at her mini sari-sari store fully stocked with merchandise donated by volunteers of Tzu Chi Medical Foundation Philippines.

Conchita Layosa at her mini sari-sari store fully stocked with merchandise donated by volunteers of Tzu Chi Medical Foundation Philippines.

PHOTOGRAPH COURTESY OF TCMFP

Text size

Isa ang “pabili po” sa mga katagang sumasalamin sa ating natatanging kultura. Karaniwang ginagamit ito upang tawagin ang pansin ng nagbabantay sa sari-sari store—isang maliit na tindahang bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino at simbolo ng kasipagan at pagkamaparaan ng bawat mamamayan.

Kaya naman sa ginanap na 49th ASEAN Summit ngayong taon, kabilang sa mga itinampok sa International Media Center ang isang replica ng sari-sari store. Makikita rito ang iba’t ibang lokal na pagkain at produktong sumasalamin sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.

Ngunit ang nakapagtataka, kung ipinagmamalaki natin ang ganitong bahagi ng ating kultura, bakit naman ipinasara ang ilang maliliit na tindahan at pinatigil ang operasyon ng mga nagtitinda sa piling lugar sa Metro Manila?

Also read VP Sara impeachment tuloy sa Disyembre

Kay laking kabalintunaan na habang ipinakikilala natin sa mga dayuhan ang kultura ng maliliit na negosyo, ang mismong mga Pilipinong bumubuhay sa kulturang ito ang kailangang magsakripisyo para sa magandang imahe ng bansa.

Sa Pasay at Parañaque, pansamantalang pinatigil ang operasyon ng mga karinderya, paresan at iba pang maliliit na negosyo bilang bahagi ng paghahanda sa summit. Naglagay pa ng malalaking harang na may mga likhang-sining upang matakpan ang ilang kabahayan at puwesto ng mga nagtitinda.

Hindi masamang hangarin na maging malinis, maayos at ligtas ang ating mga kalsada. Nauunawaan din ang pangangailangan sa seguridad ng mga dayuhang delegado. Ngunit bakit kailangang ang maliliit na negosyante at manggagawa ang sumalo sa bigat ng mga paghahandang ito?

Bagama’t nagbigay ng pinansyal na ayuda at tulong na pagkain ang pamahalaan, hindi nito napapawi ang pangangailangang magkaroon ng pangmatagalang solusyon para sa mga pamilyang umaasa sa araw-araw na pagtitinda.

Kung tunay nating ipinagmamalaki ang sari-sari store bilang bahagi ng ating kultura, nararapat lamang na bigyan din natin ng pagpapahalaga ang kabuhayan ng mga tunay na nagtitinda.

Also read Paglilitis sa ICC laban kay Rody, nalalapit na

Sa halip na itago ang kahirapan sa likod ng magagandang tarpaulin, tugunan natin ang mga ugat nito. Sa halip na alisin ang mga nagtitinda, bigyan sila ng maayos, malinis at ligtas na lugar upang makapaghanapbuhay.

Hindi dapat ituring na bahid sa magandang imahe ng bansa ang mga ordinaryong Pilipinong marangal na naghahanapbuhay.

Sapagkat ang tunay na pag-unlad ay hindi nasusukat sa ganda ng mga kalsadang dinaraanan ng mga dayuhan, kundi sa kalidad ng buhay ng mga Pilipinong naiiwan matapos umalis ang mga dayuhan.

Sa susunod na may sumigaw ng “pabili po,” sana nama’y mapagbilhan din ng kahit kaunting malasakit ang mga ordinaryong mamamayang nais lamang maghanapbuhay nang matiwasay.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.