NU, nasungkit ika-sampung titulo sa cheerdance

Muling pinatunayan ng National University (NU) Pep Squad ang pagiging pinakamalakas sa UAAP Cheerdance Competition matapos masungkit ang ika-10 kampeonato sa Season 89 nitong Sabado sa Mall of Asia Arena.
Nagtala ang NU ng 693.5 puntos sa kanilang tribal-themed performance na hango sa Mayan at Aztec civilizations upang angkinin ang gintong medalya sa harap ng 21,126 manonood.
Ito na ang ika-10 overall title ng NU sa torneo, na lalo pang nagpatibay sa kanilang puwesto bilang pinakamatagumpay na koponan sa kasaysayan ng UAAP Cheerdance Competition.
Nakuha naman ng University of the East (UE) Pep Squad ang silver sa 664.5 puntos, ang unang pagkakataon nitong makuha ang ikalawang puwesto mula noong 2002.
Pumangatlo ang host school na Far Eastern University (FEU) Cheering Squad sa 647.5 puntos sa kanilang pagtatanghal na may temang “A Whole New World,” habang pumang-apat ang Adamson Pep Squad na may 636.5 puntos.
Sumunod sa standings ang University of the Philippines (596.5), De La Salle University (565.5), University of Santo Tomas (537.5) at Ateneo de Manila University (469.5).







