19-anyos nilapa ng tigre dahil sa Tiktok content

Pumanaw ang isang 19-anyos na empleyado ng sakahan matapos malapa ng tigre sa loob ng isang farmhouse sa Kahna, Pakistan, habang binibida umano ng isang TikToker ang hayop para sa content.
Sa paunang ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Talha, habang arestado naman ang may-ari ng bukid kasama ang content creator na si Nouman Hassan na nagtungo sa pasilidad upang mag-shoot ng video.
Batay sa imbestigasyon, naging agresibo at nawalan ng kontrol ang tigre sa presensiya ng TikToker, na nagresulta sa malubhang pinsala sa katawan ng biktima.
Isinugod pa sa ospital ang binatilyo subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Mariing pinabulaanan ng mga awtoridad ang naunang mga ulat at pagtatangkang ipalabas na insidente ng kagat ng aso ang sinapit ng biktima upang pagtakpan ang tunay na nangyari.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang may-ari ng sakahan hinggil sa legalidad ng permit sa pag-aalaga ng mababangis na hayop, pati na ang posibleng kapabayaan sa mga safety protocols
Nagbabala naman ang kapulisan sa mga vlogger na huwag isaalang-alang ang buhay para sa content.
“A passion for TikTok cannot be more important than a human life,” ayon sa tagapagsalita ng Lahore Police.







