Skip to content
DYARYO TIRADA

Gadon, nag-ala Freddie sa ‘Anak’ issue ng APEC

Gadon, nag-ala Freddie sa ‘Anak’ issue ng APEC
Text size

Rumesbak si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon nitong Sabado, 21 Nobyembre, sa gitna ng mga batikos sa paggamit ng kantang “Anak” bilang entrance song ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Tsina.

Sa isang ibinahaging video, makikitang inaawit ni Gadon ang sikat na likha ng yumaong si Freddie Aguilar habang tumutugtog ng gitara. Kasabay nito, ipinaliwanag niya na ang nasabing awitin ay isang mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng kulturang Pilipino sa ibang bansa.

Ayon sa ilang netizens, tila sinadya umano ng mga organizer ng APEC ang pagpili sa nasabing kanta dahil sa mga kontrobersyang kinasasangkutan ng Pangulo, kabilang ang alegasyon ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot na nauna nang ibinunyag ng kanyang nakatatandang kapatid na si Senador Imee Marcos.

Ngunit paglilinaw ni Gadon, umani ang kanta ng “katakot-takot” na parangal dahil sa nakaaantig nitong musika at liriko na tumatalakay sa isang anak na naligaw ng landas at nabuhay sa luho—isang karanasang nagdudulot ng hinagpis sa mga magulang.

“Kaya naman ito ay palaging iniuugnay sa ating kultura, sa ating mga Pilipino, at sa Pilipinas,” ani Gadon.

“Dahil kasi napakalakas ng oriental influences dito sa musika nito na inilapat, kaya naman ito ay unang-unang nagustuhan ng mga bansa gaya ng Japan, ng China, ng mga bansa dito sa Asia, hanggang sa ito ay kumalat na sa buong mundo,” dagdag pa niya.

Samantala, ipinagkibit-balikat lamang ni Pangulong Marcos ang mga negatibong komento online at sa halip ay pinuri ang maayos na pangangasiwa ng Tsina sa pagtitipon.

Bukod sa “Anak,” itinampok din sa nasabing kaganapan ang mga kantang “America the Beautiful” para kay United States President Donald Trump, “Sukiyaki” para kay Japan Prime Minister Sanae Takaichi, at “Arirang” para kay South Korean President Lee Jae-myung.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.