Trump, Xi, Putin, ‘BFF mode’ sa APEC

Hindi pinalagpas ng mga netizen na punahin ang naging asta nina United States President Donald Trump, China President Xi Jinping, at Russian President Vladimir Putin sa isa’t isa sa ginanap na 2026 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa China nitong Miyerkules at Huwebes.
Mabilis na kumalat online ang video kung saan makikitang inabot ni Trump ang kanyang kamay kay Xi sa elevator, habang agad namang humawak sa kanya ang huli.
Marami ang natuwa sa tagpong ito na wala umanong halong politika—purong pagpapakatao lamang.
“Not everything is a political stunt. This is just two old men helping each other,” ani isang commenter.
“Sometimes, diplomacy begins with the smallest acts of kindness, respect, and human connection,” ayon pa sa isang comment.
Nagtanghal din ang ilang Chinese performer ng paboritong kanta ni Trump na “Y.M.C.A.” habang ipinapakita sa screen ang mga video ng dalawang lider.
Kilala ang pangulo ng Estados Unidos bilang kritiko ng mga polisiya ng Tsina, kung saan naging matinding usapin ang kanilang trade war na nauwi sa pagpataw ni Trump ng taripa sa daan-daang bilyong dolyar na halaga ng mga produktong galing sa China upang mapalakas ang pagtangkilik sa mga produktong Amerikano.
Isa rin sa mga naging tampulan ng usapan ng marami sa social media ang pagtawag ni Trump kay Putin na kaibigan.
“Who is he?” pabirong sabi ni Trump nang makita si Putin, na sinundan ng tawa.
“It’s my friend,” dagdag niya, sabay nakipagkamay sa lider.
Bagaman kilala ang Amerika na may salungat na pananaw sa politika laban sa parehong bansa, hindi direkta sa mga pangulo ang kanilang naging mga patama.
Sa APEC, nagkaroon ang tatlo ng closed-door meeting na umabot nang higit isang oras kung saan pinag-usapan nila ang tungkol sa pandaigdigang seguridad.







