VP Sara impeachment tuloy sa Disyembre

Muling magpupulong ang impeachment court sa Disyembre 1 upang ipagpatuloy ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte kasabay ng pagkuwestiyon ng prosekusyon sa naging testimonya ng mga huling testigo ng depensa na umano’y malayo sa sentrong usapin ng Article II ng impeachment complaint.
Ayon kay House prosecution spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, hindi nasagot ng mga iniharap na testigo ang pangunahing alegasyon hinggil sa umano’y hindi wastong deklarasyon ng mga ari-arian ng bise presidente at ang mga kahina-hinalang transaksiyong umabot sa halos P1.5 bilyon na na-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa ika-45 araw ng paglilitis noong Biyernes, humarap bilang mga testigo ng depensa sina Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino Rodolfo at Food and Drug Administration Director IV Pilar Marilyn Pagayunan.
Tinalakay ni Rodolfo sa kanyang testimonya ang pagpaparehistro ng Cale88 Foods Corp. bilang isang export enterprise sa ilalim ng Board of Investments, kabilang ang mga permit at sertipikasyon nito.
Sumunod namang naglahad si Pagayunan ng mga dokumentong may kaugnayan sa rehistrasyon ng produktong banana chips ng naturang kumpanya.
Ngunit iginiit ni Adiong na walang naipakitang sapat na paliwanag ang dalawang testigo tungkol sa mga papasok na remittance sa mga corporate bank account ng mga kumpanyang sangkot sa kaso.
Ayon sa kanya, nakatuon lamang ang pahayag nina Rodolfo at Pagayunan sa mga permit at rehistrasyon ng negosyo, at hindi nito natugunan ang mga pangunahing tanong ng prosekusyon sa ilalim ng Article II.
Samantala, hindi natuloy ang mga naunang itinakdang pagdinig noong Nobyembre 26 at Nobyembre 27 dahil hindi nakadalo ang mga nakatakdang testigo ng depensa, kaya’t inaasahang magpapatuloy ang paghaharap ng ebidensya ng kampo ni Duterte sa pagbabalik ng sesyon.







