Comelec: Walang ayuda kapalit ng voter registration

Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko laban sa kumakalat na phishing-like schemes sa social media na nangangakong magbibigay ng P6,000 na tulong pinansyal kapalit ng pagpaparehistro bilang botante sa nalalapit na halalan.
Ayon sa Comelec, isang mapanlinlang na video ang kumakalat sa Facebook, partikular sa account na “Cres Jhoerax Vlog,” na gumagamit ng larawang nilikha sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI) upang palabasing namimigay ang komisyon ng P6,000 cash assistance sa mga botante.
Mariing itinanggi ng Comelec ang naturang impormasyon at nilinaw na wala silang ipinagkakaloob na anumang cash incentive o pinansyal na benepisyo sa mga rehistradong botante, gayundin sa mga nagnanais magparehistro.
Dahil dito, hinimok ng komisyon ang publiko na maging mapanuri at huwag basta maniwala o magbigay ng personal na impormasyon sa mga kahina-hinalang post at link na kumakalat online.
Binigyang-diin din ng Comelec ang kahalagahan ng pagpaparehistro bilang botante upang magkaroon ng pagkakataong maipahayag ang kanilang mga saloobin, makapili ng mga lider at makapag-ambag sa pagbabago ng bansa sa pamamagitan ng pagboto.







