Singer sa Iran, pinarusahan dahil walang hijab

Pinarusahan ng 74 na hampas ang Iranian singer na si Parastoo Ahmadi at apat na kasamahan sa kanyang concert team nitong Lunes, 23 Nobyembre, matapos ang pagtatanghal nang walang suot na hijab, ayon sa abogado ng depensa na si Mostafa Nili.
Kinilala ang iba pang hinatulan na sina Soheil Faghih-Nasiri, Amin Taheri, Amirali Pirnia, at Mohsen Lashkari. Isinagawa ang parusa sa tanggapan ng Qom Prosecutor’s Office kaugnay ng kasong nag-ugat sa inilabas na “Caravanserai Concert” video noong 12 Disyembre 2024.
Sa nasabing video na walang live audience, nakita si Ahmadi na umaawit nang walang mandatory hijab habang nakasuot ng itim na sleeveless dress at kasama ang mga lalaking musikero.
Naganap ang pagtatanghal sa makasaysayang Deir-e Gachin Caravanserai malapit sa Qom, isang banal na lungsod para sa mga Shiite na kilala sa dami ng mga Islamic seminary at itinuturing na balwarte ng konserbatismo sa relihiyon.
Hinatulang nagkasala ang lima sa umano’y paglabag sa moralidad ng publiko dahil sa paggawa at pagpapakalat ng sinasabing malaswa at imoral na online content.
Bukod sa paghampas, nagpataw ang Branch 122 ng Qom’s Criminal Court Two ng tig-dalawang taong pagbabawal sa paglahok sa mga gawaing pang-musika at sining, gayundin ng dalawang taong travel ban palabas ng Iran, na pinagtibay ng appellate court.







