Maanomalyang proyekto ng DPWH, paulit-ulit pinopondohan

Naglabas ng mga ebidensya si Senador Panfilo “Ping” Lacson kaugnay ng umano’y iregularidad sa ilang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang mga proyektong ilang ulit nang pinondohan ngunit wala pa ring naitatayong imprastraktura.
Sa pagsisimula ng plenary budget deliberations, inilahad ni Lacson ang halimbawa ng isang multi-purpose building sa Barangay Poblacion, Basista, Pangasinan na umano’y nakatanggap na ng pondo noong 2024, 2025 at 2026, at muli pang isinama sa panukalang alokasyon para sa 2027.
Gayunman, ayon sa senador, lupa lamang ang makikita sa lugar at wala pa ring naitayong gusali sa kabila ng paulit-ulit na paglalaan ng pondo para rito.







