Pistons, pinadapa ang Magic kahit wala si Cunningham

Nagdiriwang si Isaiah Joe #17 ng Detroit Pistons matapos maka-shoot ng three-pointer laban sa Orlando Magic sa ikaapat na yugto ng laro sa Emirates NBA Cup sa Kia Center noong 24 Nobyembre sa Orlando, Florida.
photo courtesy ng Getty Images via AFP
Balewala sa Detroit Pistons ang pagkawala ni Cade Cunningham dahil sa injury matapos nilang mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa sa NBA Cup noong Martes sa pamamagitan ng matinding 104-86 panalo laban sa Orlando Magic sa home court nito.
Pinangunahan ni Isaiah Joe ang opensa ng Detroit matapos magtala ng 21 puntos mula sa limang three-pointers, habang lima sa mga manlalaro ng Pistons ang tumapos na may double figures.
Maganda ang naging simula ng Orlando, na maaari sanang makasiguro na ng puwesto sa knockout rounds kung nanalo, matapos kuhanin ang 22-16 abante sa pagtatapos ng unang quarter.
Ngunit binago ng matinding scoring run ng Detroit sa ikalawang quarter ang takbo ng laro, kung saan tinambakan nila ang Orlando sa iskor na 32-14.
Nakuha ng Detroit ang 48-36 kalamangan pagdating ng half-time at napanatili ang double-digit na abante sa halos kabuuan ng natitirang bahagi ng laban.
“I thought our defense was elite tonight,” ayon kay Pistons coach J.B. Bickerstaff.
“On a night where we were down some offense, we knew we were going to have to hang our hat on the defensive end of the floor and I love the way that everybody contributed.
“Everbody bought into it and that was the best part. We knew it was going to be a gritty, physical game, but our guys did a great job.”
Nangunguna pa rin ang Orlando sa Eastern Conference Group A hawak ang 3-1 kartada, habang nasa ikatlong puwesto naman ang Pistons na may 2-1 rekord sa likod ng Toronto Raptors.






