Kampo ni Kitty Duterte, maghahain ng MR sa SC

Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration ang kampo ni Kitty Duterte upang kuwestiyunin ang desisyon ng Supreme Court (SC) na ibasura ang mga petisyong humihiling na palayain si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirma ito ni Atty. Paolo Panelo Jr., abogado ni Vice President Sara Duterte, matapos nilang opisyal na matanggap ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na nagbasura sa pinagsamang petisyon para sa writ of habeas corpus dahil ito ay moot and academic.
Sa desisyon ng SC, wala nang sapat na batayan upang pagpasiyahan pa ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague si Duterte. Dahil dito, hindi na umano maipatutupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus.
Gayunman, iginiit ni Panelo na kuwestiyunin nila ang naging pasya ng korte dahil aniya, nililimitahan nito ang paggamit ng writ of habeas corpus kapag nailipat na sa kustodiya ng ibang bansa ang isang detainee bago pa makakilos ang korte.
Samantala, nakatakdang humarap sa paglilitis sa ICC si dating Pangulong Duterte sa Nobyembre 30 kaugnay ng kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.







