QC residents binulabog ng pagsabog
Nakuhanan ng video ang ilang kabataan na umano’y nagpasabog sa isang eskinita sa Barangay Teachers Village West noong tanghali ng Martes, ayon sa ulat ng pulisya at mga opisyal ng barangay.
Base sa mga ulat, nakita sa kuha ng closed-circuit television camera ang dalawang kabataang hinihinalang mga estudyante sa high school sa nasabing eskinita. Nagsilbing bantay ang isang nakaputing kamiseta habang may inilapag namang bagay ang kasamahan nitong nakapula.
Ilang sandali matapos nito, sabay-sabay na tumakbo ang dalawa kasama ang isa pang kabataan na kumukuha ng video, bago naganap ang malakas na pagsabog na nagpatunog sa alarm ng ilang nakaparadang sasakyan. Walang naiulat na nasaktan ngunit nagdulot ito ng takot at pagkabahala sa mga nakatira malapit sa lugar.
"As in parang bomba talaga dahil yumanig 'yung buong CR ko. Sa tingin ko po, sila po'y mga menor de edad dahil nakasuot po ng itim na pantalon na parang pang-high school," sabi ng isang residente.
Agad na rumesponde ang mga barangay tanod at mga tauhan ng Quezon City Police District Station 9 ngunit hindi na inabutan ang mga kabataan.
"Mayroon nga pong sumabog na pinuntahan naman ng aming tanod tapos ini-report po sa 122. Pinuntahan po ng Police Station 9. Sila na po 'yung nag-imbestiga. Nagtakbuhan na 'yung mga kabataan pagputok," sabi ni Alex Castro, executive officer ng Barangay Teachers Village West.
Ayon sa mga residente, hindi ito ang unang beses na may naganap na katulad na pagsabog sa kanilang komunidad.
"Few months ago, mayroong mga paisa-isa tuwing every month. Ngayon po medyo dahil dumadami na, inabangan na ho talaga ng mga kapitbahay. Nagtulong-tulong na ho lahat para mahuli talaga sa CCTV," sabi ng residente.
Hinala naman ni Castro, hindi taga-roon ang mga sangkot na kabataan dahil wala umanong maraming estudyanteng tumatambay sa kanilang lugar.
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga kabataan at ang paaralang kanilang pinapasukan.







