Chambers humingi ng paumanhin kay Napa

Humingi ng paumanhin si Far Eastern University (FEU) head coach Sean Chambers sa National University (NU) at mentor nitong si Jeff Napa matapos siyang tumawag ng timeout kahit malaki na ang lamang ng Tamaraws sa kanilang paghaharap sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Nilinaw ni Chambers na wala siyang intensiyong bastusin ang NU at si Napa nang ipahinto niya ang laro, dahil nais lamang niyang palitan ang kaniyang point guard na si Jorick Bautista.
Nainis si Napa sa naging desisyon ni Chambers at nauwi pa sa palitan ng salita ang insidente sa pagitan niya at FEU assistant coach Mark Isip matapos ang 85-63 panalo ng Tamaraws, na nagbigay sa kanila ng tsansang makakuha ng playoff para sa Final Four berth.
Ayon kay Chambers, mataas ang paggalang niya kay Napa at sa Bulldogs, na tinawag niyang isa sa mga disiplinado at kahanga-hangang koponan sa liga.
Aminado rin ang FEU mentor na nakalimutan niya ang tuntunin ng FIBA na nagpapahintulot sa mga nakahandang pamalit na pumasok sa laro sa isang dead-ball situation nang hindi na kinakailangang tumawag ng timeout.
Nangyari ang insidente sa natitirang 1:26 minuto matapos maagaw ni Mo Diassana ang bola kay Bautista sa may gitna ng court at magtapos sa isang breakaway dunk, dahilan upang lumiit nang bahagya ang lamang ng FEU sa 81-56.
Ipinaliwanag ni Chambers na nais lamang niyang alisin sa laro sina Bautista at Mo Konateh, na aniya ay nagkaroon ng ilang pagkakamali.
“I forgot the FIBA rule where you can just put guys on the sideline ready to substitute. When the ball goes in, they can come and substitute. To my mind, I was like, give me a timeout so I can get Jorick out, Mo out, and the guys that were just struggling. The timeout was out of no disrespect,” paliwanag ni Chambers.
Dagdag pa niya, wala siyang intensiyong magpakita ng kawalan ng respeto sa NU at humingi siya ng paumanhin kung nasaktan ang kabilang koponan sa kaniyang naging desisyon.
“I should know more about the rules where I could have just taken Jorick out without the timeout,” aniya.
Napansin din ni Chambers ang naging reaksiyon ng NU bench matapos ang timeout at nakita siyang humingi ng paumanhin sa kabilang panig nang magpatuloy ang laro.
Sa kabila ng insidente, iginiit ni Chambers na mataas ang paggalang niya kay Napa at sa Bulldogs, habang sinabi ring hindi siya sanay na nasasangkot sa komprontasyon sa loob ng kaniyang mahabang coaching career sa Pilipinas.
Nagtabla sa tig-isang panalo ang FEU at NU sa kanilang dalawang paghaharap sa elimination round.





