Diwa ng ‘kapwa’ itinampok ni PBBM sa ASEAN gala

Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kulturang Pilipino at ang kahulugan ng salitang “kapwa” upang ilarawan ang pagtitipon ng mga lider ng ASEAN at mga kasosyong bansa nitong Lunes sa Philippine International Convention Center.
Ito ay ginanap sa ikalawang araw ng pagtitipon para sa 49th ASEAN Summit and Related Meetings Gala Dinner.
Ayon sa Pangulo, ang salitang “kapwa” ay mahirap isalin sa iisang salita sa wikang Ingles, ngunit malalim ang kahulugan.
“We Filipinos have the word ‘kapwa’, which is difficult to capture in a single English word. Yet, at its heart, it is a very simple idea to see ourselves with others and to recognize our shared identity, and common humanity, and that our lives and our well-being are certainly closely interconnected,” pahayag ni Marcos sa kanyang talumpati sa harap ng mga dayuhang dignitaryo.
Idinagdag pa ng Pangulo na makikita ang diwa ng “kapwa” sa kwento ng ASEAN, kahit na magkakaiba ang kasaysayan, interes, at mga mithiin ng bawat bansa sa rehiyon.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan sa nakalipas na anim na dekada at sinabing napatunayan ng mga bansa na ang kapayapaan sa mga karatig-bansa ay nagpapatatag din sa sariling kapayapaan, at ang kaunlarang ibinabahagi sa kabila ng mga hangganan ay lumilikha ng mga oportunidad sa sariling bayan.
Ipinaalala rin ni Pangulong Marcos na noong 1976, nilagdaan ng mga tagapagtatag ng Treaty of Amity, kabilang ang kanyang ama na si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang kasunduan sa Southeast Asia upang palakasin ang kooperasyon hindi lamang para sa kapayapaan kundi pati na rin sa kasaganaan ng mga mamamayan.
“For most of my life, ASEAN has simply been a part of the landscape of our region. It is so easy to forget that many things that we now regard as normal were once ambitious,” ani Marcos.







