Bilang ng tamaraw sa Mindoro, tumaas ayon sa DENR

Photo courtesy of DENR MIMAROPA
Kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) - MIMAROPA ang positibong lagay ng populasyon ng mga tamaraw sa probinsiya ng Mindoro.
Sa tulong ng Tamaraw Conservation Program Office (TCPO) na nagsagawa ng bilang simula ika-15 hanggang ika-20 ng Abril sa tinaguriang Core Zone ng Mounts Iglit-Baco Natural Park (MIBNP) para sa 2026 Annual Tamaraw Population Count, umabot sa 425 tamaraw ang naitala sa lugar. Ito ay may halos 12 porsiyentong pag-angat mula sa 380 na naitala noong nakaraang taon.
Bukod dito, mayroon ding kumpirmadong populasyon ng tamaraw sa Siburan–Aruyan–Dangari–Iyason–Kinarawan (SADIK) Critical Habitat at sa Upper Amnay Watershed.
Ayon sa ahensiya, isinagawa ang pagkalap ng datos mula sa iba't ibang vantage point sa loob ng limang araw, sa pagtutulungan ng mga trained observer mula sa DENR, MIBNP Protected Area Management Office, mga lokal na pamahalaan, partner agencies, akademikong institusyon, non-government organizations, at mga Katutubong Pamayanan (Indigenous Peoples).
Ang tamaraw ay isang maliit ngunit matatag na uri ng kalabaw na matatagpuan lamang sa Pilipinas, partikular sa isla ng Mindoro. Kilala ito sa kanyang maiikling sungay na hugis “V” at sa pagiging mailap nito sa tao.
Itinuturing itong endangered kaya mahigpit itong pinoprotektahan ng batas.
Binigyang-diin ng DENR na bilang pangunahing programa ng pamahalaan para sa natatanging uri ng hayop na ito, patuloy na palalakasin ng Tamaraw Conservation Program ang proteksyon sa kanilang tirahan, pagpapatupad ng batas sa tulong ng mga ranger, siyentipikong pagsubaybay, pananaliksik, at pakikipagtulungan sa iba't ibang sektor upang matiyak ang kaligtasan at kinabukasan ng mga tamaraw sa kagubatan.
