Skip to content
DYARYO TIRADA

Pasasalamat at pagpapakumbaba

[KOLUM]

Text size

Paano ka magpapasalamat kung tila walang dapat ipagpasalamat? Kung ang buong taon ay lumipas na parang isang unos na hindi mo inasahan? Kung ang bawat araw ay tila isang labang kailangan mong ipanalo, ngunit ang inaasam na premyo—ang tunay na kasiyahan at kapanatagan—ay nananatiling mailap?

Marahil, marami sa atin ang nasa parehong kalagayan ngayon. Sa gitna ng pangamba para sa kinabukasang hindi mawaglit sa isip, napapaisip tayo kung ano ba talaga ang plano ng Maykapal para sa ating pagod nang puso.

Ngunit sa ganitong mga pagkakataon, baka wala naman talagang direktang sagot. Hindi lahat ng bagay ay kayang arukin ng isip, at hindi lahat ng bigat ay kayang buhatin ng damdamin. Minsan, ang tanging natitira ay ang pagpapasa-Diyos—ang pagsambit ng “Bahala na si Lord,” o ang simpleng buntonghininga ng “Ayoko na, Panginoon.”

Marahil, sapat na iyon. Sapagkat ang paniniwala sa mga bagay na hindi pa nakikita ay isa nang anyo ng pasasalamat sa buhay, kahit hindi pa natin ito lubos na nauunawaan.

Dito pumapasok ang tunay na pagpapakumbaba: ang pag-amin na hindi mo na kaya, at ang pag-asa na tanging ang lakas mula sa Kaitaasan ang makapagpapatuloy sa iyo. Iyon marahil ang pinakataos-pusong pasasalamat sa lahat.

Tinuruan tayo ng ating mga magulang na magpasalamat sa bawat kabutihan. At kahit minsan ay hindi tayo nagiging mabuti, o hindi nagiging maayos ang takbo ng mga pangyayari, nananatiling mabuti ang Diyos. Hangga’t buhay ang katotohanang iyon, palaging may dahilan upang magpasalamat.

Kaya salamat—hindi lamang dahil sa kung ano ang mayroon o kung ano ang nawala. Salamat dahil may Diyos na gumagabay; dahil may grasyang hindi kayang unawain ng isip; at dahil may pagpapatatag na hindi man natin hiningi ay siya palang pinakakailangan natin. Salamat maging sa bawat paggising na bagaman tila mabigat sa kalooban ay nagiging munting lakas at inspirasyon naman pala para sa ating kapwa.

Sa huli, ang mabuhay nang may pasasalamat sa pinakamaliliit na bagay ay higit na mainam kaysa sa paghihintay ng malalaking himala bago matutong magpuri. Sapagkat sa pagpapakumbaba natin natatagpuan ang tunay na biyaya ng buhay.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.