Kape sa mesa, buwis sa bulsa
[EDITORYAL]

Sa bawat umaga, marami sa mga Pilipino ang nagsisimula ng kanilang araw sa isang tasa ng kape. Para sa ilan, ito ay pampagising; para naman sa iba, bahagi na ito ng pang-araw-araw na buhay.
Ngunit paano kung ang simpleng pag-inom ng kape na parte na ng iyong buhay ay maging mas magastos dahil sa panibagong buwis?
Ang pagpapataw ng buwis sa kape ay isang usaping dapat pag-isipang mabuti. Bagama’t layunin ng pagbubuwis na makalikom ng pondo para sa mga proyekto at serbisyo ng pamahalaan, hindi dapat kalimutan ang epekto nito sa ordinaryong mamamayan.
Bagaman sinabi ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo nitong Huwebesn a “dead on arrival” ang nasabing mungkahi sa Kamara, dapat pa ring mas maingat ang mga kongresista sa kung ano ang mga ipapataw na dagdag respondibilidad sa mamamayan. Dapat suriin kung sino ang higit na maaapektuhan at kung may sapat na dahilan upang ipasa sa mamamayan ang karagdagang gastos.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ang dagdag na buwis sa kape ay pwede maging pasanin sa ilang mamamayan.
Hindi lamang mga mamimili ang maaapektuhan nito. Posible ring maapektuhan ang mga magsasaka ng kape, maliliit na negosyante, tindahan, at mga lokal na prodyuser. Kapag tumaas ang presyo, maaaring bumaba ang demand at lumiit ang kita ng mga taong umaasa sa industriya ng kape.
Hindi naman nangangahulugang hindi na dapat magpatupad ng buwis ang pamahalaan. Sa halip, kailangang tiyakin na makatarungan ang anumang patakarang ipatutupad.
Ang kape ay maaaring simpleng inumin lamang para sa iba, ngunit para sa maraming Pilipino, isa itong maliit na kasiyahan sa gitna ng mabibigat na responsibilidad. Hindi dapat maging dahilan ang isang tasa ng kape upang lalo pang maramdaman ng mamamayan ang bigat ng gastusin.
Sa huli, ang pagbubuwis ay hindi lamang tungkol sa pagkolekta ng pera, dapat itong maging patas, makatao, at isinasaalang-alang ang kapakanan ng lahat. Bago magdagdag ng buwis sa kape, nararapat munang timbangin ng pamahalaan kung ang pondong malilikom ay katumbas ng pasaning ipapasan sa mamamayan.







