Skip to content
DYARYO TIRADA

Lakers, Spurs maglalaban para sa top spot

Lakers, Spurs maglalaban para sa 
top spot
Text size

Malaking laban ang naghihintay sa Los Angeles Lakers at San Antonio Spurs sa Sabado, 28 Nobyembre, sa huling laro ng kanilang group stage assignment sa NBA Cup, kung saan kapwa target na makuha ang unang puwesto sa West Group C.

Parehong may 2-1 na rekord ang dalawang koponan sa NBA Cup, ngunit nasa unang puwesto ang Spurs dahil sa +48 point differential, habang nasa ikaapat ang Lakers na may -9. Makakasama rin sa karera para sa unang puwesto ang Portland Trail Blazers at Golden State Warriors na kapwa may 2-1 rekord.

Sa regular season naman, nangunguna ang Lakers sa Western Conference sa 15-3 kartada, habang pumapangalawa ang Spurs sa 15-4. Sa kabuuang standings ng NBA, nasa unang puwesto ang Los Angeles, habang pangatlo naman ang San Antonio, kasunod ng Philadelphia 76ers na may 15-4 rekord.

Tampok din sa paghaharap ang matchup nina Luka Doncic at Victor Wembanyama, na kapwa kabilang sa mga nangungunang kandidato sa MVP race. Nangunguna si Doncic sa Lakers sa average na 36.6 puntos at 7.7 assists kada laro, habang may 30.7 puntos at 3.8 blocks naman si Wembanyama para sa Spurs.

Naging usap-usapan kamakailan ang pahayag ni Wembanyama matapos magtala ng 50 puntos kontra New Orleans Pelicans. Sinabi ng 7-foot-4 na sentro na hindi siya kasinghusay ng ibang manlalaro sa “stat-padding,” na iniuugnay ng ilang fans bilang patama kay Doncic.

Gayunman, nilinaw ni Wembanyama sa sumunod na panayam na kabilang si Doncic, kasama sina LeBron James at Shai Gilgeous-Alexander, sa mga manlalarong tinitingala niya.

Samantala, kinilala ni Lakers center Walker Kessler ang kakaibang kakayahan ni Wembanyama at ang hamong dala nito sa kanilang depensa.

“Unprecedented, the kind of player he is. But like you said, it’s going to be a team effort. For me, I’m just going to focus on doing what I do to win the game and help the team win,” ani Kessler.

Bukod sa pagkakataong makuha ang unang puwesto sa grupo, may dagdag na insentibo rin ang NBA Cup. Makakakuha ng tig-$604,985 ang mga manlalaro ng koponang magwawagi sa torneo.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.