Skip to content
DYARYO TIRADA

VP Sara, may book reading sa Calbayog

VP Sara, may book reading sa Calbayog
Text size

Ibinahagi ni Bise Presidente Sara Duterte nitong Miyerkules ang kanyang naging pagbisita sa San Policarpo Central Elementary School sa Calbayog City, Samar noong nakaraang buwan, kung saan binasahan niya ang mga mag-aaral ng librong “Isang Kaibigan.”

Ayon kay Duterte, labis na kasiyahan sa kanyang puso ang muling makabisita sa lungsod at makasama ang mga kabataan doon.

“Nagsagawa tayo ng book reading kasama ang mga bata, kung saan ibinahagi natin sa mga kabataang mag-aaral ang magagandang aral mula sa librong Isang Kaibigan, kabilang ang tunay na kahulugan ng pagkakaibigan,” saad niya.

Inilathala ang libro noong 2023 kasabay ng National Reading Month habang nagsisilbi pa si Duterte bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon. Umiikot ang kuwento ng “Isang Kaibigan” sa pakikipagkapwa at katatagan.

Guhit nina Janina Simbillo at Joseph Caligner, sinusundan nito ang kuwento ng dalawang ibon—isang kwago at isang loro, kung saan matapos masira ng bagyo ang tirahan ng kwago ay agad na tumulong ang loro upang itayo itong muli.

Gayunpaman, binalot din ng kontrobersya ang libro matapos mabatikos ang panukalang P10-milyong badyet para sa pagpapalimbag umano ng 200,000 kopya nito. Naging paksa rin ng kritisismo ang ilang pagkakamali sa balarila, gaya ng paggamit ng “sila” sa halip na “sina,” at ang ilang detalye kaugnay ng tirahan ng kwago.

Nasangkot din ang aklat sa alegasyon ng panggagaya umano sa kuwentong “Owly: Just a Little Blue” ni Andy Runton, bagay na mariing itinanggi ni Duterte.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.