BINI, JMFyang agaw-eksena sa Star Magical Christmas 2026

Agaw-eksena ang Nation’s Girl Group na BINI at ang tambalan nina JM Ibarra at Fyang Smith sa taunang Star Magical Christmas na ginanap nitong Huwebes, 26 Nobyembre, sa Cove Manila, Okada Manila.
Bitbit ang temang “Liwanag ng Pasko,” nagpasiklaban sa red carpet ang mga Kapamilya star sa kanilang mga kasuotang hango sa kulturang Pilipino, partikular ang modernong bersiyon ng Filipiniana at barong Tagalog.
Muling ibinida ng walong miyembro ng BINI ang kanilang husay sa fashion, habang naghatid naman ng kilig sa kanilang mga tagasuporta sina JM at Fyang sa kanilang magkasamang pagrampa.
Umani rin ng atensiyon ang pagdating ni Belle Mariano, na nagsilbing finale ng red carpet, habang ibinida naman ni Maris Racal ang kaniyang modern Filipiniana outfit.
Kabilang din sa mga rumampa sina Donny Pangilinan, Francine Diaz, Seth Fedelin, Jericho Rosales at Janine Gutierrez.
Bukod sa pagrampa ng mga artista, tampok din sa selebrasyon ang Liwanag ng Pasko Awards, kung saan binigyan ng pagkakataon ang fans na iboto ang kanilang mga paboritong Kapamilya star sa iba’t ibang kategorya, kabilang ang Brightest Star ng Pasko at Bright Star on the Rise.
Naging sentro ng selebrasyon ngayong taon ang pagpapahalaga sa kulturang Pilipino at mga tradisyon ng Pasko sa bansa.





