Blazers giniba ang Spurs

Kumana si Deni Avdija ng 33 puntos, 12 rebounds at pitong assists, habang nag-ambag si Damian Lillard ng 29 puntos at pitong assists upang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa 116-111 panalo laban sa bumisitang San Antonio Spurs sa NBA Cup noong Miyerkules ng gabi, Nob. 25.
Nagdagdag ng 16 puntos si Sidy Cissoko para sa Portland, na nagpatindi sa labanan sa West Group C. Tabla sa 2-1 kartada ang Trail Blazers, Spurs, Golden State Warriors at Los Angeles Lakers na may tig-isang laro pang natitira. Nangunguna ang San Antonio sa grupo dahil sa plus-48 point differential, habang pangalawa ang Portland sa plus-7.
Parehong kumana sina Lillard at Avdija ng limang 3-pointer, at nagpasok naman ng apat na tres si Cissoko. Nag-ambag din si Jrue Holiday ng 11 puntos at pitong assists, habang may 10 puntos ang kapwa reserve na si Scoot Henderson.
Tumipa si Victor Wembanyama ng 44 puntos at 16 rebounds para sa San Antonio, na bumagsak sa 8-1 road record. Umiskor na ng 94 puntos si Wembanyama sa nakalipas na dalawang laro.
Nagdagdag si Stephon Castle ng 20 puntos at siyam na rebounds, at may 18 puntos si Devin Vassell para sa Spurs. May 11 puntos si Julian Champagnie at kumolekta ng 12 rebounds mula sa bench si Keldon Johnson.
Nagsalpak si Avdija ng dalawang free throw upang ibigay sa Portland ang 111-109 abante may 1:45 ang natitira sa laro.
Sa sumunod na opensa ng Portland, umatake si Lillard at nakitang naghihintay si Wembanyama habang paubos na ang shot clock. Ipinasa niya ito pabalik kay Avdija, na nag-bank shot ng 3-pointer upang ilayo ang Trail Blazers sa limang puntos may 37.9 segundo na lang.
Lumapit pa sa tatlong puntos ang Spurs bago maghati sa dalawang free throw sina Toumani Camara at Avdija upang selyuhan ang panalo.
Hindi naglaro para sa San Antonio si De’Aaron Fox dahil sa shin injury, ang ikalawang sunod na larong pinalampas niya.
Kumonekta ang Trail Blazers sa 39.4% ng kanilang tira, kabilang ang 19-of-50 mula sa 3-point range.
Tumama naman ang Spurs sa 43.3% ng kanilang mga pagtatangka at nakapagpasok ng 10-of-36 sa likod ng arc.
Kumana si Holiday ng dalawang 3-pointer at naghulog ng isa si Lillard sa gitna ng 12-2 run sa pagsisimula ng fourth quarter upang makuha ng Portland ang 96-89 kalamangan.
Abante ang Trail Blazers, 101-94, sa 3-pointer ni Avdija may 7:10 natitira, ngunit umiskor ng sunod na anim na puntos ang San Antonio, tampok ang free-throw-line jumper ni Wembanyama na nagdikit sa iskor sa isang puntos may 5:35 nalalabi.
Nagsalpak ng turnaround jumper si Wembanyama may 3:02 natitira upang ibaba sa dalawa ang lamang, bago ibato nang mataas ni Castle ang bola para sa dunk ni Wembanyama na nagtabla sa iskor sa 109 may dalawang minuto pang nalalabi.
Ipinuntos ni Wembanyama ang unang 12 puntos ng San Antonio sa third quarter, na tinapos niya ng 3-pointer para sa 69-66 bentahe ng Spurs.
Nagbaon ng 3-pointer si Vassell may 0.7 segundo na lang upang iangat ang San Antonio sa 87-84 kalamangan.
May tig-18 puntos sina Lillard at Avdija habang lamang ang Portland, 60-57, sa halftime. Nagtala naman ng 19 puntos sa unang kalahati si Wembanyama para sa Spurs.





