Cianne, balik ‘It’s Showtime’ matapos maligwak sa PBB

Matapos ang pagkaka-evict mula sa “Pinoy Big Brother Collab 3.0” noong Sabado, muling humarap sa madlang pipol bilang host si Cianne Dominguez sa pagbubukas ng “It’s Showtime” nitong Miyerkules.
Sa kaniyang pagbabalik-entablado, inawit niya ang “Stronger (What Doesn’t Kill You)” ni Kelly Clarkson—isang tila pagbubuod ng kaniyang naging paglalakbay at mga napulot na aral sa loob ng Bahay ni Kuya.
Ayon sa tinaguriang “Madlang Babe ng Antipolo,” nagdulot sa kaniya ng kapanatagan ang pagkakahiwalay sa ingay ng labas at nakatulong ito upang mas makapag-isip siya at lumago.
“Sobrang daming nagaganap, hindi ko na rin alam kung ano ang nangyayari. Pero masarap ‘yung feeling sa loob kasi peaceful, kami-kami lang talaga ‘yung nandoon—walang ingay ng mundo,” ani Dominguez.
Dagdag pa niya, naging daan ang pananatili niya sa loob upang tutukan ang sarili, partikular ang espiritwal na paglago, bagaman nakaramdam din siya ng pagkasabik sa kaniyang mga kasamahan sa noontime show.
“Kaya nakapag-focus ako sa self ko. Masasabi ko na nag-grow din ako especially spiritually at nase-sepanx ako. Sumisigaw ako, ‘I miss my Showtime family,’” kuwento niya.
Ibinahagi rin ng host na nagulat siya sa sarili dahil kinaya niyang malayo sa gadgets sa kabila ng pagiging sanay sa paggamit ng cellphone.
“Na-surprise nga ako kasi pala-phone ako, pero doon hindi ko talaga hinanap ‘yung phone ko kahit konti. Tapos paglabas ko, nahihirapan akong mag-phone. Hindi sa ayaw ko, pero hindi na ako sanay,” dagdag ni Dominguez.
Kung may pinakanami-miss daw siya sa kaniyang mga kasamahan, iyon ay sina Mikee Quintos at Wynwyn Marquez, na bilang ina ay marami umano siyang aral na nakuha.
Sa harap ng mga kritisismo at pambabatikos na hinarap niya habang nasa kompetisyon, ipinaabot din ni Dominguez ang pasasalamat sa mga patuloy na naniniwala at sumusuporta sa kaniya.
“Salamat sa lahat ng nagsu-support sa akin. Sa lahat ng totoong nakakakilala sa akin, lalo na ‘yung mga taong tinitingnan ‘yung good in everything, ‘yung naa-appreciate ka sa lahat ng mga ginagawa mong maganda at hindi ka dini-define sa mga pagkakamali mong unintentional or something. So thank you so much. I love you all, sobrang na-appreciate ko kayo. From the bottom of my heart, I love you with the love of the Lord,” pagtatapos niya.





