Skip to content
DYARYO TIRADA

China, nasorpresa ng Saudi

China, nasorpresa ng Saudi
Text size

Gumawa ng malaking upset ang Kingdom of Saudi Arabia matapos nitong talunin ang China, 82-80, sa kanilang group match sa 2027 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers nitong Huwebes sa Doha, Qatar.

Gulantang ang China, na ika-30 sa world rankings, matapos itong mabigo sa Saudi Arabia na nasa ika-64 na puwesto.

Nanguna sa Saudi ang kanilang sentrong si Mohammed Alsuwailem na kumamada ng 20 puntos at walong rebounds. Tahimik namang nag-ambag ng 12 puntos si naturalized player Muhammad-Ali Abdur-Rahkman, na naging mahalaga rin sa pagselyo ng kanilang panalo sa huling bahagi ng laro.

Maagang nakalamang ang China at nagtapos ang unang quarter sa 29-25. Ngunit nabuhay ang opensa ng Saudi sa second quarter sa tulong ng kanilang bench players, na nagbigay sa kanila ng 23-14 na kalamangan sa yugto at 48-43 na abante sa halftime.

Naging mahalaga rin ang presensya nina Alsuwailem at Mohammed Almarwani sa ilalim upang sabayan ang tangkad at pisikalidad ng frontline ng China. Lalong naging mahirap ang sitwasyon ng Chinese matapos ma-disqualify si sentro Zhou Qi sa third quarter dahil sa pag-elbow kay Alsuwailem.

Naging dikdikan ang huling yugto, kung saan nagpalitan ng lamang ang dalawang koponan. Mula sa 79-78 na kalamangan ng China, nagbaon si Abdur-Rahkman ng dalawang free throw sa natitirang 21 segundo upang ibigay sa Saudi ang 80-79 na abante.

Napanatili ng Saudi ang kalamangan sa pamamagitan ng mga free throw sa huling bahagi. Nagbaon din si Ali Shubayli ng dalawang free throw sa natitirang anim na segundo para sa 82-79 na bentahe. Nakaiskor pa ng isang free throw si Hu Mingxuan ng China, ngunit sumablay ang huli niyang three-point attempt sa buzzer upang maselyuhan ang 82-80 panalo ng Saudi.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.