Saksakan sa skul: 2 estudyante sugatan
Dalawang menor de edad na mag-aaral ang sugatan sa insidente ng pananaksak sa Kalayaan Elementary School sa Caloocan City noong Miyerkules, ayon sa Schools Division Office ng lungsod.
Dalawang menor de edad na mag-aaral ang sugatan sa insidente ng pananaksak sa Kalayaan Elementary School sa Caloocan City noong Miyerkules, ayon sa Schools Division Office ng lungsod.
Sa opisyal na pahayag ng Caloocan Schools Division Office, tatlong estudyante ang sangkot sa insidente—dalawa ang sugatan at isa ang itinuturong nanaksak.
Agad umanong nakipag-ugnayan ang pamunuan ng paaralan sa mga awtoridad at sa Department of Social Welfare and Development, at naabisuhan na rin ang mga magulang ng mga sangkot na bata.
Naglaan na ng paunang lunas, psychosocial first aid at support services para sa mga apektadong mag-aaral habang ipinatutupad ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan sa kampus.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagpadala ito ng mga social worker upang magbigay ng tulong medikal at psychosocial assistance sa dalawang biktima.
Batay sa mga paunang ulat ng ahensiya, isang 11-anyos na Grade 6 student ang nanaksak sa dalawang kapwa mag-aaral—isang 11-anyos na babaeng nasa Grade 6 at isang 9-anyos na nasa Grade 3—na kapwa ginagamot ngayon sa ospital.
“Pagkatanggap ng ulat, agad kumilos ang DSWD Field Office NCR upang matiyak na mabibigyan ng kaukulang tulong ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya,” ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Ipinasa naman sa Caloocan City Social Welfare and Development Office ang menor de edad na suspek para sa kaukulang interbensiyon at pagsusuri.
Nanawagan naman ang Caloocan Schools Division Office sa publiko na maging maingat at responsable sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media, iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong ulat, at burahin ang anumang post, larawan o video na maaaring magbunyag sa pagkakakilanlan ng mga menor de edad.
“Hinihiling namin sa publiko na maging maingat at responsable sa pagbabahagi ng impormasyon. Hinihikayat namin ang lahat na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong ulat at tanggalin ang anumang post, litrato o video na maaaring makapagpakilala sa mga menor de edad na sangkot,” pahayag ng tanggapan.
Iginiit din ng opisina ang pangangalaga sa dignidad, privacy at karapatan ng mga bata sa due process, at hinimok ang publiko na iwasan ang maagang paghuhusga habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Hinihikayat namin ang lahat na manatiling kalmado, mapagmatyag at nakikipagtulungan habang tinutugunan ang usaping ito sa tamang proseso,” dagdag nito.
Naitala ang insidente sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng karahasan sa mga paaralan nitong mga nakalipas na buwan, kabilang ang tatlong insidente ng pamamaril mula Hunyo hanggang Setyembre sa Tacloban, Zamboanga at South Cotabato na ikinasawi ng walong estudyante—tatlo sa Tacloban, dalawa sa Zamboanga at tatlo sa South Cotabato—na nagtulak sa pamahalaan na mangakong paiigtingin ang seguridad sa mga paaralan.





