Cone tiwala sa lakas ng Gilas

Hindi maitago ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang kasabikan sa pagsabak ng pambansang koponan sa fifth window ng FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Malaysia.
Itinuturing ng beteranong coach na ito na ang pinakamatinding lineup na nabuo para sa national basketball team ng bansa.
Ipinagmalaki rin ni Cone ang pagkakaroon ng matatangkad na manlalaro sa lahat ng posisyon, kabilang sina Kai Sotto, AJ Edu, Quentin Millora-Brown at Mike Phillips.
Makakasama rin sa koponan ang mga batang manlalaro gaya nina Dwight Ramos, Kevin Quiambao at Juan Gomez de Liaño, pati na ang mga beteranong sina Scottie Thompson, CJ Perez, Chris Newsome at Troy Rosario.
Asahan din umano ang agresibong laro mula kay Bennie Boatwright, na sasabak sa kaniyang unang opisyal na torneo suot ang uniporme ng Gilas Pilipinas.
Gayunman, iginiit ni Cone na hindi sapat ang pagiging malakas sa papel dahil mahalaga pa rin ang magiging aktuwal na ipapakita ng koponan sa loob ng court.
Nakatakdang harapin ng Gilas Pilipinas ang Syria sa Biyernes, Nob. 27, bago sagupain ang Iran sa Linggo, Nob. 29.
Kasalukuyang nasa ikalimang puwesto sa Group E ang Pilipinas na may apat na panalo at apat na talo, habang patuloy na nakikipag-agawan ng puwesto para makapasok sa FIBA World Cup sa Doha, Qatar.
Sakaling mawalis ng Gilas Pilipinas ang dalawang laro, aangat sila sa ikatlong puwesto upang mapalakas ang tsansang makaabante sa susunod na round.
Mula pa noong Sabado, Nob. 21, ay tuloy-tuloy na ang ginagawang ensayo ng koponan bilang bahagi ng kanilang paghahanda.





