Membership ng Pureblends sa PBA, binawi

Inihayag ng Philippine Basketball Association (PBA) nitong Huwebes na tinanggalan na nito ng membership ang prangkisa ng Pureblends kasunod ng pulong na idinaos noong Nob. 19.
Sa pahayag na inilabas sa opisyal na website ng liga, sinabi ng PBA na binawi nito ang membership ng Pureblends dahil sa gross misrepresentation, kakulangan sa kakayahang pinansiyal at hindi awtorisadong pagbabago sa pagmamay-ari at kontrol.
“Pureblends Corporation violated Section 9(g) of the PBA Constitution and By-Laws, which expressly prohibits any applicant or member from ‘willfully misrepresenting any material fact contained in its application for membership in the Association,’” ani ng liga kaugnay ng gross misrepresentation.
Ayon din sa PBA, malinaw na pinatunayan ng mga ebidensiyang iniharap sa Board ang kawalan ng kakayahan ng Pureblends Corporation na tustusan ang mga pangangailangang pinansiyal sa pagpapatakbo ng isang ballclub—isang natuklasan na hindi umano kinontra ng Pureblends Corporation.
Dagdag pa ng liga, nagpatupad ang Pureblends ng mga pagbabago sa corporate ownership structure nito na nagresulta sa hindi awtorisadong paglilipat ng kontrol sa PBA franchise at koponan nito.
“This directly violates the PBA CBL provisions on Transfer of Ownership, which mandate that ‘no membership or any substantial interest therein may be sold, assigned, or otherwise transferred in whole or in part by the member without notice in writing to the Commissioner’ and the requisite Board approval,” saad pa ng liga.
Sinabi ng PBA na maglalabas pa ng karagdagang anunsiyo ang tanggapan ng Commissioner.
Sa ika-50 season ng PBA, nagtala ang Giant Risers ng 4-7 record sa Philippine Cup at tig-2-10 record sa Commissioner’s Cup at Governors’ Cup.
Nakuha ang prangkisa ng Pureblends mula sa dating prangkisa ng NorthPort.





