Ang malyete kay Duterte
[EDITORYAL]
Sa darating na ika-30 ng Nobyembre 2026, kasabay ng paggunita sa ‘Ama ng Katipunan’ na si Andres Bonifacio, muling nakatuon ang mata ng sambayanan at ng buong mundo sa isang makasaysayang pagtutuos.
Pormal nang bubuksan sa araw na ito ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng mga paratang na crimes against humanity na nag-ugat sa kanyang umano’y madugong kampanya laban sa iligal na droga.
Mabigat, malawak, at nakapangingilabot ang mga sakdal na nakalatag sa harap ng pandaigdigang hukuman. Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng pagpatay at tangkang pagpatay na bahagi ng isang malawakan at sistematikong pag-atake laban sa sibilyang populasyon mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019—mula sa panahon ng kanyang paghahari bilang alkalde ng Davao City hanggang sa mga taon ng kanyang panunungkulan sa Malacañang.
Ang landas patungo sa ika-30 ng Nobyembre ay bunga ng walang humpay na paggigiit ng mga biktima at ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao—mula sa kanyang pagkakaaresto at pagsuko sa kustodiya ng ICC noong Marso 2025, sa pagkumpirma sa lahat ng sakdal noong Abril 2026, hanggang sa pasya ng korte noong Oktubre na siya ay may sapat na kakayahang pisikal at mental upang panagutan ang kanyang mga gawa.
Para sa libo-libong pamilyang naapektuhan ng tinaguriang “war on drugs,” ang pagbubukas ng paglilitis ay isang matagal nang ipinagkait na pagkakataon para sa katarungan.
Hindi lingid sa kasaysayan ng bansa na ang kampanyang ito ay hindi kailanman naging patas na laban kontra kriminalidad; sa halip, nagsilbi itong sistematikong karahasan ng estado na pangunahing tumarget sa mga maralitang komunidad—sa mga eskinita ng Tondo, Payatas, Caloocan, at iba pang sulok kung saan ang kahirapan ay ginawang katumbas ng sentensya ng kamatayan.
Habang ang mga malalaking sindikato at mga makapangyarihang protektor ay nanatiling malaya o nakalusot sa mga butas ng batas, ang mga mahihirap na mamamayan ay pinaslang nang walang warrant, walang paglilitis, at walang pagkakataong ipagtanggol ang sarili.
Ang pagdulog sa ICC ay hindi panghihimasok sa soberanya gaya ng pilit na ikinakatuwiran ng kampo ng depensa, ito ay ang tanging natitirang kanlungan ng mga mamamayang pinagkaitan ng hustisya ng sarili nilang gobyerno.
Ang tunay na soberanya ay pag-aari ng taumbayan, at hindi ito maaaring gamiting dahilan ng sinumang pinuno upang takasan ang pananagutan sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.
Bagama’t bahagi ng proseso ng korte ang pagbibigay ng pagkakataon sa nasasakdal na magpaliwanag, hindi dapat malihis ang atensyon ng publiko sa pinakabuod ng usapin—ang libo-libong buhay na kinitil nang walang due process at ang kultura ng kawalang-pananagutan (impunity) na pinalaganap ng isang administrasyong ginamit ang takot at dahas upang abusuhin ang kapangyarihan.
Sa pagtunog ng malyete sa ICC sa darating na Lunes, bitbit ng mga ina, asawa, at anak ng mga biktima ang bigat ng halos isang dekadang pagdadalamhati. Ang kanilang tapang na humarap sa makapangyarihang makinarya ng mga Duterte ay patunay na ang kolektibong pagkilos ng masa ang pinakamalakas na sandata laban sa tiraniya.
Ipinapaalala rin ng paglilitis na ito na ang kapangyarihan ay may hangganan at darating ang araw ng paniningil ng kasaysayan. Nawa’y magsilbi ang ika-30 ng Nobyembre 2026 bilang simula ng tunay na pagpapanagot—hindi lamang sa The Hague, kundi sa bawat sulok ng Pilipinas kung saan patuloy na ipinaglalaban ng karaniwang mamamayan ang kanilang karapatang mabuhay nang marangal at malaya.







