DoJ may patama kay Digong

Sa unang national conference ng Truth Commission nitong Lunes, Nobyembre 23, binigyang-diin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Fredderick Vida ang umano’y baluktot na sistema ng administrasyon mula 2016 hanggang 2022.
“Mahalaga po sa ginagalawan natin ay sumunod tayo sa legal na sistema. Bakit po? Matic na nga po sa ating lipunan noong 2016 to 2022, black eye na nga po sa ating kasaysayan na mayroon pong nagdidiyos-diyosan,” saad ng kalihim.
“At mayroong nagsabing, ‘Pag mayroong fiscal na nag-dismiss, ‘yan ay protektor. Pag mayroong judge na nag-dismiss, ‘yan ay protektor,’” dagdag pa niya.
Paliwanag niya, nakadisenyo ang Konstitusyon at mga batas ng Pilipinas kung saan may karapatan maging ang mga akusado, dumadaan sa pangangalap ng ebidensya, at nangangailangan ng patunay na beyond reasonable doubt bago ma-convict.
“Sa paghahanap natin ng katarungan, ayaw natin magkaroon ng isa pang biktima,” pagdiin niya.
“‘Yan po ang kahirapan sa ating mga fiscal. Bago mag-file, dapat tiyak tayo kung sino,” dagdag niya.
Ayon din kay Vida, naging mahirap ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa gitna ng kampanya kontra droga ng administrasyong Rodrigo Duterte dahil nakabonet ang mga suspek at walang pormal na kasong naisasampa ang mga imbestigador.
“Dapat po iwaksi natin ‘yung konsepto na may magdidiyos-diyosan at will tinker with the system,” pagdidiin ng opisyal.
Ibinahagi rin ni Vida na nagpulong na ang DoJ, Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Korte Suprema upang talakayin kung paano palalakasin ang mga kasong sa umpisa ay mahina at kung paano mas mapapaikot nang maayos ang tinatawag na wheels of justice.
Tiniyak niyang marami nang magkakampi sa pagsusulong ng reporma at iginiit na simple lamang ang solusyon: ang paggawa ng tama.
Sa huli, binigyang-diin ni Vida na mahalaga ang pagsunod sa batas na siyang ginawa upang magsalba sa lipunan.






