Skip to content
DYARYO TIRADA

LTO sa mga vloggers: Maging responsable

LTO sa mga vloggers: Maging responsable
Text size

Binigyang-diin ng Land Transportation Office (LTO) ang responsibilidad ng mga social media personality na maging mabuting halimbawa sa kanilang mga tagasubaybay, kasunod ng paglabag sa batas-trapiko ng vlogger na si Geo Ong at ang naging pagpunta nito sa tanggapan ng ahensya, Lunes, 23 Nobyembre.

Hindi ikinatuwa ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao ang pag-aanunsiyo ni Ong sa kaniyang vlog tungkol sa pagpunta sa LTO, kabilang ang oras ng kaniyang pagdating.

“Huwag niyo nang ina-announce pa sa social media. Ang ahensiya po ng gobyerno dapat po nating respetuhin. Huwag pong gagamiting pang-content,” saad ni Lacanilao.

Nilinaw ng opisyal na walang problema sa pagtanggap sa kahilingan ni Ong na makipagkita sa kaniya sa main office ng LTO sa Diliman, Quezon City.

Gayunman, ang regional office ng ahensya sa Region 4B, na nakabase sa Calapan, ang naglabas ng Show Cause Order laban sa vlogger at siyang dapat humawak sa kaso.

“Lahat ng nagkukusang pumunta sa LTO, sikat man o hindi, kakausapin ko ng tahimik. Gusto ko kasing ipaintindi kung ano yung naging violation at bigyan ng pagkakataon,” sabi ni Lacanilao.

Naging sentro rin ng puna ng opisyal ang pagdating ni Ong sakay ng helicopter.

“Big time pala!” hirit ni Lacanilao, sabay diin na dapat maging mabuting halimbawa ang mga sikat na personalidad, lalo na sa mga kabataang sumusubaybay sa kanila.

Also read Andrea Brillantes wagi ng Best Actress sa London film festival

Dinumog naman ng mga tagahanga ni Ong ang tanggapan ng LTO nang magtungo siya roon. Isinuko rin ng vlogger ang kaniyang driver’s license na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension.

Bilang tugon sa puna tungkol sa paggamit niya ng helicopter, sinabi ni Ong na wala siyang ibang pagpipilian dahil hindi siya maaaring magmaneho.

“Service lang po namin, so wala pong problema siguro doon kasi hindi naman po ako puwedeng mag-drive. That’s my only option,” paliwanag ng vlogger.

Inisyuhan si Ong ng Show Cause Order matapos makita sa kaniyang vlog ang pagmamaneho niya ng motorsiklo nang walang suot na helmet. Ayon kay Lacanilao, maaari ring pumasok sa reckless driving ang insidente dahil nagdudulot ito ng panganib sa ibang motorista.

Hindi lamang pagsunod sa batas ang dapat isaalang-alang ng mga vlogger, kundi pati ang impluwensiya ng kanilang mga ipinapakitang kilos sa publiko, lalo na sa kabataang maaaring gumaya sa kanila.

Nilinaw ni Lacanilao na dadaan pa rin sa due process ang kaso at bibigyan si Ong ng pagkakataong ipaliwanag ang kaniyang panig bago maglabas ng kaukulang resolusyon ang ahensya.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.