Manibela transport strike, umarangkada

Sinimulan na ng grupong Samahang Manibela, Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) ang kanilang transport strike nitong Lunes upang tutulan ang pagpapalit kay Markus Lacanilao bilang hepe ng Land Transportation Office (LTO).
Ipinaliwanag naman ni MANIBELA president Mar Valbuena ang saloobin ng grupo sa isang panayam sa radio.
“Panglima na yata itong pagpapalit na ito sa hepe ng LTO at sa haba ng panahon, ang haba namin sa kalsada, ngayon lang kami nakaranas ng medyo patas na laban sa pamumuno ni Asec. Markus Lacanilao,” saad ni Valbuena.
Bagaman wala pang opisyal na kumpirmasyon, napag-alaman umano ng grupo na papalitan ni Naga City administrator Atty. Noreen Bernadette San Luis ang kasalukuyang hepe.
Inaasahang magtatagal ang transport strike ng dalawang araw, habang umiikot naman ang dalawang araw na libreng sakay ng Department of Transportation sa ilang lugar sa Metro Manila.
Sa anunsiyo ng ahensya, ito ay magtatagal mula 6 a.m. hanggang 9 a.m. ng Lunes at Martes, ika-23 hanggang 24 ng Nobyembre sa mga sumusunod na ruta: Quiapo patungong Cubao; Quiapo patungong Doña Carmen, Commonwealth; Quiapo patungong Fairview; Taft (Buendia) patungong Alabang; at Commonwealth patungong Cubao (via East Ave./V. Luna).
Maging ang ilang face-to-face classes ay kinansela na rin hanggang sa Martes.
Para naman sa seguridad, 6,000 pulis ang itinakdang magbantay sa mga lugar.






