Thunder umungos sa Pelicans; vintage Harden, nasilayang muli

Si Oklahoma City Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander (#2), iniaakyat ang bola habang binabantayan ni New Orleans Pelicans guard Jeremiah Fears (#0) sa second half ng kanilang laban sa Paycom Center noong 21 Nobyembre 2026 sa Oklahoma City, Oklahoma.
Litrato mula sa Agence France-presse
Tila tinamaan ng kidlat ang New Orleans Pelicans matapos magawang balikan ng Oklahoma City Thunder ang 16-puntos na pagkakaiwan upang makuha ang 126-120 panalo sa NBA Cup group-stage game nitong Biyernes, 21 Nobyembre.
Nagpakitang-gilas si Shai Gilgeous-Alexander sa kanyang 40 puntos at walong assists, habang umagapay ang 22 puntos at 16 rebounds ng rookie na si Aday Mara upang pangunahan ang ratsada ng Thunder.
Bago nakabawi ang Thunder, umabot pa sa 16 puntos ang kalamangan ng Pelicans sa ikatlong quarter. Gayunman, napaliit ito ng Oklahoma City sa 98-92 pagpasok ng huling yugto.
Humirit si Jared McCain ng tres sa 9:22 mark ng fourth quarter upang itabla ang laban sa 102-102. Sinundan ito ng ratsada ng Thunder upang maagaw ang kalamangan.
Bumayo si Gilgeous-Alexander ng tres sa huling tatlong minuto ng laro upang ilayo ang Thunder sa 114-110. Nagdagdag pa siya ng mga puntos sa nalalabing oras, kabilang ang three-point play sa huling 34.8 segundo, upang tuluyang selyuhan ang panalo.
Nagdagdag din si McCain ng 18 puntos, kapareho ng rookie na si Bennett Stirtz.
Sa panig ng Pelicans, nanguna sina Zion Williamson at Jeremiah Fears na may tig-22 puntos, habang nag-ambag si Saddiq Bey ng 21.
Dahil sa panalo, umangat sa 2-1 ang Thunder at nanatili sa ikalawang puwesto ng West Group B, kasunod ng Minnesota Timberwolves na may 2-0 kartada. Samantala, nalaglag sa 0-3 ang Pelicans at tuluyan nang naalis sa knockout-round contention.
Samantala, nagbalik ang dating bagsik ni James Harden matapos magpasabog ng 51 puntos upang pangunahan ang Cleveland Cavaliers sa 128-119 panalo kontra Indiana Pacers sa isa pang NBA Cup group-stage game nitong Biyernes, 21 Nobyembre.
Bumawi ang Cavaliers matapos ang kanilang pagkatalo kontra Memphis Grizzlies noong Miyerkules, sa pangunguna ng beteranong guard na tumikada ng 51 puntos, anim na rebounds at anim na assists.
Ginawang target ni Harden ang depensa ng Pacers matapos magpasok ng pito sa kanyang 11 pagtatangka mula sa three-point range. Perpekto rin siya sa free-throw line, kung saan naipasok niya ang lahat ng 14 na pagtatangka.

Ipinagdiriwang ni James Harden (#1) ng Cleveland Cavaliers ang kanyang naipasok na puntos sa third quarter ng kanilang NBA Cup game kontra Indiana Pacers sa Rocket Arena noong 21 Nobyembre 2026 sa Cleveland, Ohio.
Litrato mula sa Agence France-presse
Hawak ng Indiana ang kalamangan sa unang bahagi ng laro at nakalamang pa ng 14 puntos. Gayunman, bumaliktad ang takbo ng laban sa ikatlong quarter nang rumatsada ang Cleveland at magtala ng 43 puntos laban sa 22 lamang ng Pacers.
Nakuha ni Harden ang kanyang ika-42 puntos mula sa buzzer-beating layup sa pagtatapos ng third quarter. Umabot sa 24 puntos ang kalamangan ng Cavaliers sa fourth quarter bago nakabawi ang Indiana, ngunit hindi na nito naagaw ang panalo.
Tumulong kay Harden si Donovan Mitchell na may 20 puntos, habang nagdagdag si Peyton Watson ng 15.
Nanguna naman sa Pacers sina Ivica Zubac at Pascal Siakam na may tig-21 puntos. Nagtala rin si Zubac ng 10 rebounds para sa double-double performance.
Sa resulta, umangat sa 2-1 ang Cavaliers at nanatili sa ikalawang puwesto ng East Group B, sa likod ng Miami Heat na may 2-0 kartada. Bumagsak naman sa 1-2 ang Pacers at nasa ikaapat na puwesto ng grupo.







