UST, doble hataw sa UAAP basketball

Habang papalapit sa huling bahagi ang elimination round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 89, patuloy na nagpapamalas ng lakas ang University of Santo Tomas (UST) sa men’s at women’s basketball tournaments.
Winalis ng Growling Tigers at Tigresses ang kani-kanilang mga laro kontra University of the East (UE) at Ateneo de Manila University sa pangunguna nina Amiel Acido at Brig Santos, na kapwa kinilala bilang Collegiate Press Corps UAAP Players of the Week para sa 11 hanggang 15 Nobyembre.
Naging mahalagang sandigan si Acido sa three-game winning streak ng Growling Tigers na patuloy na humahabol sa Final Four berth tangan ang 7-6 kartada.
Kumamada ang third-year guard ng 22 puntos, anim na rebounds at limang steals sa 97-70 panalo kontra UE. Sinundan niya ito ng double-double na 19 puntos at 10 rebounds, kasama ang dalawang assists at dalawang steals, sa 89-84 paggapi sa Ateneo. Naging mahalaga rin ang kanyang tres sa huling bahagi ng laro upang masiguro ang panalo ng España.
Samantala, patuloy namang hinahabol ng Growling Tigresses ang outright Finals berth habang pinananatili ang malinis na 12-0 kartada sa pangunguna ni team captain Santos.
Nagtala si Santos ng 11 puntos, apat na rebounds, anim na assists at tatlong steals sa 106-48 pagdurog sa UE. Muli siyang nagpakitang-gilas kontra Ateneo sa kanyang 16 puntos, 10 steals, apat na rebounds at apat na assists upang mapanatili ang kanilang walang talong kampanya.
Sa kabila ng kanilang magandang kartada, kapwa iginiit nina Acido at Santos ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pokus at patuloy na pagpapahusay ng laro habang papalapit ang huling bahagi ng torneo.







