Pope, tinamaan ng rosaryo sa mukha

Sapul malapit sa mata ni Pope Leo XIV ang rosaryong ibinato ng isang deboto sa Lima, Peru nitong Lunes habang nakasakay sa popemobile.
Nangyari ang insidente habang papunta ang 71-anyos na Santo Papa sa Las Palmas Air Base para sa kanyang farewell mass.
Sa mga nag-viral na larawan at video, makikita na tumama ang mga butil ng rosaryo sa kanyang mukha malapit sa kanyang kanang mata, dahilan para mapasimangot siya, panandalian itong kuskusin, at mapahawak sa kanyang mukha.
Wala namang naging matinding pinsala o injury ang Santo Papa, na maayos na nakapagpatuloy sa misa at nagbigay ng kanyang pamamaalam pagkatapos ng kanyang anim na araw na pagbisita sa Peru at 12 araw na tour sa Timog Amerika.
Tinatayang 1.5 milyon katao ang dumalo sa naturang misa kung saan pinasalamatan ni Pope Leo XIV ang mga taga-Peru sa mainit na pagtanggap. Inilarawan niya ang bansa bilang kanyang “tahanan” matapos magsilbi rito ng dalawang dekada bilang misyunero, pari, at obispo.
“I wish to confirm you in faith and charity and assure you that I will always carry you with me. Yes, the Peruvian people are my people, too,” saad niya.







