DOT at GCash, palalawakin ang cashless payments sa turismo

Mas magiging madali at maginhawa ang pagbabayad ng mga turista sa mga lokal na negosyo sa bansa matapos magkasundo ang Department of Tourism (DOT) at GCash na palawakin ang paggamit ng cashless payments sa sektor ng turismo, partikular sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Sa ilalim ng kanilang kasunduan, magkakaloob ng pagsasanay sa paggamit ng mga digital payment tool at programang naglalayong palakasin ang kaalaman sa wastong pamamahala ng pananalapi para sa mga maliliit na negosyong akreditado ng DOT.
Kabilang sa mga makikinabang dito ang mga homestay, maliliit na tindahan, palengke at iba pang lokal na negosyong nagsisilbing bahagi ng kabuhayan sa mga destinasyong panturismo.
Makikinabang din ang mga dayuhang turista dahil maaari na silang gumamit ng mga suportadong digital payment option at mga credit o debit card na inisyu sa ibang bansa. Sa ganitong paraan, mababawasan ang pangangailangang magdala ng maraming salapi o maghanap pa ng mga money changer.
Layunin ng pagtutulungang ito na mapalawak ang oportunidad ng maliliit na negosyo na madagdagan ang kanilang kita, habang ginagawang mas mabilis, ligtas at maginhawa ang mga transaksiyon ng mga turistang bumibisita sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nag-ambag ang sektor ng turismo ng mahigit ₱2.2 trilyon sa ekonomiya ng Pilipinas noong 2025 at sumuporta sa tinatayang 7.7 milyong trabaho.






