Skip to content
DYARYO TIRADA

Jacq Buncio, inspirasyon ng mga babaeng riders

Jacq Buncio, inspirasyon ng mga babaeng riders
Text size

Nais palawakin ng kampeon ng Philippine Superbike Championship na si Jacq Buncio ang partisipasyon ng kababaihan at mapabuti ang access sa pagsasanay sa motorsport sa Pilipinas—isang larangang tradisyonal na pinaghaharian ng mga lalaking atleta.

Bitbit ang mahigit isang dekadang karanasan sa karera, nakasungkit na si Buncio ng tatlong overall title sa Philippine Superbike Championship, kabilang ang kampeonato sa Rookie Division noong 2018 at ang mga korona sa Intermediate at Novice divisions noong 2021 at 2022. Nagtapos din siya bilang Expert overall runner-up noong 2023 at pumangalawa sa Pirelli Championships 400cc Pro category noong 2025.

Sa isang online interview, binigyang-diin ni Buncio na higit pa sa pagkapanalo sa mga karera ang kanyang layunin, dahil nais niyang mahikayat ang mas maraming kababaihan na pasukin ang kompetitibong karera ng motorsiklo.

Also read A servant-leader takes the helm

"Alam kong nagsilbi akong daan para sa kababaihan sa motorsports. Nagsilbi akong haligi para maisip nilang, 'Uy, kaya ni Ate Jacq, kaya ko rin,'" pahayag ni Buncio.

Nagsimulang kumarera si Buncio noong 2011 matapos pumanaw ang kanyang kapatid na isa ring motorcycle racer. Aniya, ang kanyang unang inspirasyon ay ang ipagpatuloy ang nasimulan nito at muling buhayin ang hilig ng kanilang ama sa nasabing isport.

"Ang nagsilbing mitsa nito ay ang pagnanais kong tapusin ang hindi niya natapos. Iyon ang nagtulak sa akin noong 2011," pagbabalik-tanaw niya.

Sa kabila ng pag-aalinlangan ng kanyang pamilya noong una dahil sa pangamba sa kaligtasan at sa nakasanayang pananaw sa kasarian sa isport, napatunayan ni Buncio ang kanyang galing bilang regular na kalaban sa karerang karaniwang nilalahukan ng 30 hanggang 40 na lalaking rider.

Sa pagtanaw sa mga susunod na yugto ng kanyang karera, sinabi ni Buncio na plano niyang magtatag ng mga espasyo para sa pagsasanay at mga grassroots program upang gawing mas ligtas at mas abot-kaya ang motorsport para sa mga nangangarap na lalaki at babaeng rider sa buong bansa.

"Bago ako magretiro balang araw, gusto kong may maiwan ako. Gusto kong malaman na nakapag-iwan ako ng isang bagay na makabuluhan," wika niya.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.