Skip to content
DYARYO TIRADA

Attitude ng DHSUD Region 4A staff, pasakit sa mga HOA complainant?

[EKSLUSIBO]

Attitude ng DHSUD Region 4A staff, pasakit sa mga HOA complainant?
Text size

Tila napakamot-ulo na lang ang Homeowners Association (HOA) ng Westwood Highlands, Langkaan I, Dasmariñas, Cavite dahil sa umano’y mabagal na paggalaw ng kanilang reklamo sa CALABARZON regional office ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Calamba, Laguna.

Nag-ugat ang reklamo nang mag-isyu ng order ang HOA Division noong Oktubre 14 na nagsasabing mapapaso na ang termino ng mga nakaupong Board of Directors (BOD) sa Westwood Highlands—isang taon pa lamang ang nakalipas mula nang maupo sa puwesto, imbes na dalawang taon. Nakatakda na rin ang General Assembly (GA) sa lugar sa Huwebes, Nobyembre 12, upang maghalal ng bagong pamunuan.

Agad namang nakipag-ugnayan ang mga opisyal sa regional office upang humingi ng paliwanag at maghain ng Memorandum of Reconsideration (MR) na naglalayong pigilan muna ang GA hangga’t hindi pa napag-uusapan ang isyu sa termino, ngunit hanggang ngayon ay wala umano itong maayos na rason.

Kuwento ng isang opisyal, na si "Leila", hindi niya tunay na pangalan, nagtungo muli sila sa regional office nitong Lunes, Nobyembre 9, upang magbakasakali lalo’t nalalapit na ang GA, ngunit bungad pa lamang daw ay tila hindi na kaaya-aya ang trato sa kanila.

“Wala man lang ‘good morning,’ binalik niya sa amin [yung MR], ‘yung parang hibagis ba,” saad ni Leila.

“Wala na, tuloy na tuloy na ito, di na ito mapipigilan,” ani umano ng staff na naka-duty doon.

Halos lahat daw kasi ng sagot sa kanila ay naidadaan lamang sa init ng ulo, ngunit wala namang pormal na dokumento.

Ani ng mga nagrereklamong opisyal, Setyembre nitong nakaraang taon pa lamang nagkaroon ng special election matapos ang nabigong halalan noong Abril 2025 dulot ng kakulangan sa korum. Dahil dito, bumaba sa kanilang lugar ang lokal na tanggapan ng DHSUD noong Hunyo 27 ng parehong taon, upang magtalaga ng interim officers, habang Hulyo 14 naman ang takdang pagsisimula ng trabaho ng mga naitalagang opisyal. Matapos nito ay kinakailangan nang magkaroon ng eleksyon makalipas ang 60 araw—bagay na sinunod ng HOA at nagbunga ng special election noong Setyembre 13, 2025.

Also read DHSUD, shelter agencies hear urban poor groups’ housing concerns

Paliwanag umano ng regional office nitong taon, hindi umano nila alam ang nangyaring pagbaba ng DHSUD sa lugar noong Hunyo 2025.

“Hindi po ba narerecord sa computer na mayroong ganito?” tanong ng isang miyembro ng election committee na si "Maggie", hindi nya tunay na pangalan.

Ani pa daw ng regional office, kung tutuusin daw ay Disyembre 2025 pa paso ang termino ng mga HOA officers sa lugar.

Nagpaigting ito ng kalituhan sa mga nagrereklamong opisyal dahil imposible namang maupo ang kahit na sinong opisyal sa loob lamang ng dalawang buwan, ngunit wala na namang malinaw na paliwanag kung bakit ganoon ang naging desisyon.

“Bakit hindi n’yo sinabi?” ani Maggie.

“Pare-pareho lang naman kayong nasa iisang opisina, dapat lahat ng sasabihin ninyo ay synchronized.”

Paliwanag pa niya, sa nakalipas na taon ay tuloy-tuloy ang ugnayan ng HOA at ng regional office kung saan kinikilala naman ang kanilang panunungkulan.

Pagdidiin pa niya, susunod naman sila sa polisiya kung ito talaga ang nararapat, dahil simpleng paliwanag lamang ang hinihiling nila.

“Kasi kung may kulang na requirements o anuman, magko-comply naman kami,” dagdag pa niya.

“Kaya kami po, kahit napakalayo ng regional office sa amin [sa Cavite], dinadayo po roon.”

Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag o tugon ang tanggapan ng DHSUD Region 4A hinggil sa isyu.

Ayon sa dalawang source na nakapagtrabaho na rin umano sa gobyerno, marami na rin daw silang naririnig na hinaing mula sa regional office ng Region 4A, at naniniwala silang hindi iyon ang tamang asal ng isang public servant.

Sa ngayon, nanganganib ang grupo ng mga nakaupong opisyal ng HOA—hindi dahil sa pagtatapos ng kanilang termino, kundi sa kawalan ng makataong pamumuno sa lokal na ahensyang dapat sana ay sandigan ng mga residente.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.