Saligang Batas sa iba’t ibang wika, isinusulong ni Legarda

Isinusulong ni Senador Loren Legarda ang Senate Bill No. 2600, o ang panukalang Constitutional Translation and Access Act, upang mas maraming Pilipino ang makabasa at makaunawa sa 1987 Saligang Batas sa mga wikang pamilyar sa kanila.
Nakasaad sa Saligang Batas ang pagpapahayag nito sa Filipino at Ingles at ang pagsasalin sa mga pangunahing wikang rehiyonal, Arabe, at Espanyol. Layunin ng Senate Bill No. 2600 na magkaroon ng malinaw na plano para sa mga saling hindi pa natatapos at mas maraming paraan upang maabot ng publiko ang mga saling mayroon na.
“Ang Saligang Batas ay para sa lahat, mayaman man o mahirap, bihasa man sa Ingles o hindi. Dito nakasaad ang ating mga karapatan, mga patakaran ng Estado, mga tungkulin ng pamahalaan, at ang hangganan ng kapangyarihan nito. Paano natin maipagtatanggol ang ating mga karapatan at malalaman kung ginagampanan ng pamahalaan ang mga tungkulin nito kung hindi natin nauunawaan ang Saligang Batas?” pahayag ni Legarda.
Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagtukoy sa mga naisagawa nang salin at pagbuo ng plano para sa mga natitirang pagsasalin, kabilang ang pagtukoy sa mga pangunahing wikang rehiyonal at iba pang wikang maaaring isama.
Layunin din ng panukala na gawing libre at madaling ma-access sa mga opisyal na website ng pamahalaan ang mga salin ng Saligang Batas, gayundin ang pagpaparami ng mga kopya nito sa mga pampublikong aklatan.
Maaari ring gamitin ang mga salin bilang karagdagang babasahin sa mga paaralan sa tulong ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) upang mas maraming mag-aaral ang makaunawa sa Saligang Batas.
Matagal nang isinusulong ni Legarda ang paggamit at pagpapayaman ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang bahagi ng kultura at pagkakakilanlan ng bansa, kabilang ang paghahain niya ng mga panukala para sa pagsasalin ng Saligang Batas noong ika-16 at ika-17 Kongreso at pagsuporta sa mga inisyatibang Bantayog-Wika at Atlas at Mapa ng mga Wika ng Pilipinas.
“Ang ating mga wika ay bahagi ng ating pagkakakilanlan. Sa paglalapit ng Saligang Batas sa mga wikang nauunawaan ng ating mga kababayan, mas nabibigyan natin sila ng pagkakataong makilahok at manindigan bilang mamamayan. Walang dapat maiwan sa pag-unawa sa ating Saligang Batas,” diin ni Legarda.







