Eala, binatikos matapos ma-olats

Matapos masungkit ang bronze medal sa Asian Games, muling sumabak sa WTA Tour si Filipina tennis star Alex Eala, ngunit nabigo siyang makausad sa Round of 64 ng Wuhan Open matapos talunin ni Chinese qualifier Han Shi nitong Lunes sa China.
Inulan ng batikos ang 21-anyos na si Eala matapos siyang pabagsakin ng world No. 217 na si Shi, 4-6, 6-3, 6-3, sa women’s singles.
Pinuna ng ilang netizen ang pagdalo ni Eala sa mga fashion show at pagharap sa mga advertisement, na anila’y maaaring nakaaapekto sa kanyang pokus sa tennis.
“Tama na extracurricular activities, Alex Eala. Wala munang a-attend ng fashion show. Bumalik ka sa practice court ng Nadal Academy,” saad ng isang komento sa X.
Sa isang Facebook post naman, hinimok ni dating Agriculture Secretary at journalist Manny Piñol si Eala na pag-isipan kung nais niyang pagtuunan ng pansin ang pagiging world-class tennis player o ang fashion modeling.
“Three successive losses to players ranked 100 or more rungs lower is a painful proof that Alex Eala’s success and fame have distracted her focus on the game,” saad ni Piñol.
Ganoon din ang naging puna ng sports journalist na si Snow Badua, na nagbabala laban sa labis na pagkahumaling sa showbiz.
“Nawa’y matuto ka sa sinapit nila Onyok, at iba pang sumikat na atletang Pinoy tapos masyadong na-attract sa kaway ng showbiz,” ani Badua.
Samantala, may ilan ding nagtanggol kay Eala at nagsabing dapat bigyan ng halaga ang kanyang pahinga matapos ang sunod-sunod na kompetisyong sinalihan niya, kabilang ang Singapore Tennis Open, Asian Games at Wuhan Open.
Sa kabila ng pagkatalo, nagpahayag ng tiwala ang tiyuhin niyang si dating Philippine Basketball Association (PBA) commissioner Noli Eala na makababawi pa ang dalaga.
“Lots of time to figure this out. I’m certainly not losing hope because I know Alex is a fighter. Laban,” ani Noli.
