Sal Panelo sa mga ‘kalaban sa pulitika’: PAKYU!

Nagpakawala ng matatalim na patutsada at mura si dating Chief Presidential Legal Counsel at dating Presidential spokesperson Salvador Panelo laban sa mga itinuturing niyang kalaban sa pulitika sa harap ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa labas ng International Criminal Court (ICC).
Nakilahok si Panelo sa pagtitipon ng ilang Pilipino sa The Hague isang araw bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis kay Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra-ilegal na droga.
Sa pagsisimula ng kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Panelo na ang suot niyang sumbrero na may mga letrang "PPP" ay nangangahulugang "Protest Against Plunderous Politicians," bilang pagpapakita umano ng galit sa gitna ng mga kinakaharap na isyu ng pamilya Duterte.
"Galit tayo sa ginagawa kay Digong, sa anak na si Inday, at sa kanilang pamamahala," ani Panelo, sabay tanong sa mga tagasuporta: "'Pag galit kayo, anong ginagawa n’yo? P***ng ina mo, p***ng ina mo, at p***ng ina mo pa!"
Sinabi rin niyang nagbago na umano ang tradisyunal na fist sign ng mga Diehard Duterte Supporters dahil sa tindi ng kanilang galit.
"Hindi na nga fist eh, binago na namin ‘yan, kasi galit tayo, ‘di ba? Eh ano na?" aniya bago nagpakita ng dirty finger at sumigaw ng "F**k you!"
Bagama’t hindi nagpangalan ng sinumang opisyal, inakusahan ni Panelo ang mga nasa kapangyarihan ng umano’y panggigipit sa pamilya Duterte at pati sa media. Binanggit niya ang kaso laban kay Pastor Apollo Quiboloy at ang pagpapasara o pagsuspinde noon sa SMNI News Channel, na inilarawan niyang nagsilbing mouthpiece umano nila.
Kasabay nito, binanggit din niya ang umiinit na sitwasyon kaugnay ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan inaasahang magbabalik ang pagdinig sa Senado sa Disyembre.
Nasa kustodiya ng ICC sa The Hague si Duterte mula nang arestuhin at ilipad doon noong Marso 2025, at nakatakdang sumalang sa pagbubukas ng kanyang paglilitis nitong Lunes, 30 Nobyembre, kung saan haharap siya sa mga hukom upang pakinggan ang mga sakdal at maghain ng plea.
Ito ang mga ipinahayag ni Panelo ilang araw matapos ibasura ng Korte Suprema, sa botong 9-4, ang mga pinagsamang petisyon para sa writ of habeas corpus na inihain ng mga anak ni Duterte.






