Castro, may banat sa Imee-Robin alliance

Binuweltahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Atty. Claire Castro sina Senador Robin Padilla at Senador Imee Marcos kaugnay ng kanilang panawagan na itigil na ng pamahalaan ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC).
Sa kanyang pahayag, ipinaalala ni Castro sa dalawang mambabatas ang kanilang pangunahing tungkulin na paglingkuran ang buong sambayanang Pilipino, at hindi ang iilang indibidwal lamang.
Binigyang-diin din niya na patuloy pa ring naghahanap ng hustisya ang mga biktima ng umano’y extrajudicial killings noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, naglabas din ng matalim na mensahe si Castro laban sa pagtatakip ng pananagutan ng mga makapangyarihan.
“Sa tunay na hustisya makakamit ang totoong katahimikan at pag-usad sa buhay at hindi sa pagtatakip ng kasalanan ng kaibigan o ng kanilang poon,” saad ni Castro.
Ang pahayag na ito ni Castro ay kasunod ng umiinit na diskusyon sa Senado at sa publiko hinggil sa pag-aresto at paglilitis kay Duterte sa ICC dahil sa mga kasong may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga, kung saan iginigiit ng kanyang mga kaalyado sa Senado na wala nang hurisdiksyon ang international court sa bansa.






