Operasyon sa 2 NAIA runways pansamantalang sinuspinde

Pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng dalawang runway sa Ninoy Aquino International Airport nitong Linggo, 29 Nobyembre, matapos makaranas ng problema sa hydraulic system ang Flight PR 2923 ng Philippine Airlines na patungong Daraga, Albay, at napilitang bumalik sa Maynila.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Runway 13 lamang muna ang ginamit para sa mga operasyon habang may nakahintong eroplano sa runway.
Dahil sa pagsasara ng naturang mga runway, nailihis patungong Clark International Airport ang ilang papasok na biyahe, kabilang ang PAL891 mula Taipei gamit ang Boeing 777-300ER, CEB313 mula Taipei gamit ang Airbus A330-900, PAL659 mula Dubai gamit ang Airbus A330-300, at PAL1454 mula General Santos gamit ang Airbus A350-900.
Tiniyak naman ng PAL na ligtas na nakababa ang lahat ng pasahero at walang napaulat na banta sa kaligtasan ng mga sakay at tripulante.
Dagdag ng kompanya, nakikipag-ugnayan na ito sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at sa airport operator upang maalis agad ang eroplano sa runway at maibalik sa normal ang operasyon ng paliparan.






