Bong Go, tumulong sa mga nasunugan sa Sta. Mesa

Direktang nagtungo si Senador Christopher “Bong” Go mula sa Senado patungong Barangay 628 sa Sta. Mesa, Manila, nitong Huwebes, 26 Nobyembre, upang personal na kamustahin ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog at tiyaking nakatanggap sila ng agarang tulong sa kabila ng kanyang abalang iskedyul at nagpapatuloy na mga pagdinig sa budget.
“Pasensya na po kayo. Tumakbo lang po ako. Galing po ako sa Senado. Makikita niyo naman po, may budget hearing sa Senado. Kaya lang po nung nakita ko sa news na nasunugan kayo, sabi ko pupuntahan ko kayo. Babalik pa po ako ngayon sa Senado. Gusto ko lang po makatulong at maka-iwan ng konting ngiti sa inyo,” saad ni Go.
“Alam ko mahirap ang masunugan at huwag lang po kayo mag-alala. Importante po ay buhay tayo,” dagdag niya.
Umabot sa 268 pamilya ang naapektuhan ng sunog. Sa covered court ng barangay, personal na nakipag-usap si Go sa mga residente at nagbigay ng mensahe ng pag-asa, habang binibigyang-diin na mas mahalaga ang buhay kaysa sa mga materyal na bagay na maaari pang mapalitan.
Namahagi ang kanyang Malasakit Team ng pinansiyal na tulong, grocery packs, pagkain, lalagyan ng tubig, damit, bitamina, basketball, volleyball at pickleball. Ilang kabataan naman ang nakatanggap ng school bags, habang may piling benepisyaryo na binigyan ng bisikleta, cellphone at sapatos.
Matapos ang pamamahagi, nagtungo si Go sa lugar na tinamaan ng sunog upang makita ang lawak ng pinsala at mapakinggan ang mga hinaing ng mga residente.
“Huwag po kayong mawalan ng pag-asa. Ang gamit po, napapalitan, pero ang buhay ay hindi. A lost life is a lost life forever. Magtulungan lang po tayo, sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo, kapwa Pilipino. Magseserbisyo ako sa inyo sa abot ng aking makakaya,” bigkas ni Go.
Ipinakita rin ni Go ang suporta sa isang lokal na tindera ng ice drop at hinikayat ang komunidad na tangkilikin ang maliliit na negosyo upang makatulong sa pagbangon ng mga naapektuhan.
Muling iginiit ng senador ang pangangailangan ng mga hakbang para matulungan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan. Inihain niya ang Senate Bill No. 415 na naglalayong magtatag ng Rental Housing Subsidy Program para sa mga pamilyang naapektuhan ng mga sakuna.
Binigyang-diin din niya ang Republic Act No. 11589 o Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021, na pangunahing iniakda at ini-sponsor niya upang palakasin ang kakayahan ng BFP sa pagtugon sa mga sunog.
Binanggit din niya ang RA 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act, na nag-uutos sa pagtatayo ng ligtas at matibay na evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Kinilala rin ni Go si Barangay 628 Captain Raul Marasigan sa pakikipagtulungan nito sa Malasakit Team.
“Patuloy kaming magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo 'yan sa Diyos,” pagtatapos niya.







