SB19 invited na sa Grammys noon pero kapos sa budget

Hindi pala naging madali para sa P-pop kings na SB19 ang kanilang journey patungo sa international music scene matapos ibunyag ng dating staff ng grupo na ilang Grammy-related opportunities ang kinailangan nilang palampasin noon dahil sa kakulangan sa budget.
Sa Instagram Story, binalikan ni Rhanica Restrivera, na nagsilbing Marketing Communications Specialist ng SB19 mula 2021 hanggang 2024, ang mga pagkakataong muntik nang makapasok ang grupo sa mga aktibidad na konektado sa prestihiyosong Grammy Awards.
Ayon kay Restrivera, noon pang 2021 ay nakatanggap na sila ng email mula sa Recording Academy na nag-aanyayang magsumite ng entry sa Global Spin, isang music performance series na nagtatampok ng mga artist mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Gayunman, hindi nila ito nagawang ituloy dahil sa malaking gastusing kakailanganin para makasabay sa naturang oportunidad.
“2021, kaka-launch lang ng Global Spin pero may e-mail na agad from Grammys to submit. Kahit gugustuhin mang maging first Filipino to pass, siyempre need bonggang budget ang pinag-uusapan dito. Kahit anong push, wala talagang pagkukuhanan,” kuwento niya.
Pagsapit naman ng 2022, habang abala ang SB19 sa kanilang world tour, muli silang nakatanggap ng invitation na may kaugnayan sa Grammy Museum.
Nasa Los Angeles na umano ang grupo noong panahong iyon ngunit hindi pa rin sapat ang kanilang pondo dahil nakalaan lamang ito para sa kanilang operations at iba pang gastusin sa tour.
“Nagka-world tour by 2022. ‘Uy, baka puwede na.’ Nasa LA na rin naman tayo at may invite for Grammy Museum, kaso sakto lang talaga pang operations eh,” pagbabahagi ni Restrivera.
Sa kabila ng mga oportunidad na hindi natuloy, ipinagmalaki ng dating staff ang narating ng SB19 kahit walang malaking korporasyong sumusuporta sa kanilang mga proyekto.
“Fast forward to today, nakaka-asenso na. Kayang-kaya na. Would’ve been a lot of firsts if you were backed up by major corporations, but it only goes to show what you have achieved solely because of yourselves,” aniya.
Matatandaang itinatag ng limang miyembro ng SB19 na sina Pablo, Josh Cullen, Stell, Felip at Justin ang sarili nilang entertainment company na 1Z Entertainment noong 2022, na nagsimulang mangasiwa sa kanilang mga proyekto noong 2023.
Mula noon, naging mas independent ang grupo sa pag-manage ng kanilang music releases, concerts, international tours at iba pang creative projects.
Kamakailan lamang, gumawa ng panibagong kasaysayan ang SB19 matapos ianunsyo noong 16 Nobyembre ang kanilang nominasyon sa 2027 Grammy Awards sa kategoryang Best Asian Pop Music Performance para sa kantang “VISA.”






