Skip to content
DYARYO TIRADA

Michelle Dee umatras sa MGI All Stars

Michelle Dee umatras sa MGI All Stars

Michelle Marquez Dee FB

Text size

Hindi na matutuloy ang pagsabak ni Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee sa ikalawang edisyon ng Miss Grand International (MGI) All Stars matapos sumailalim sa emergency appendectomy.

Kinumpirma ng organisasyon ng pageant nitong Huwebes, 19 Nobyembre, ang pag-atras ng beauty queen dahil sa kaniyang kondisyon.

Sa kabila nito, mananatili ang pangalan ni Dee sa voting activity para sa “All Stars Exclusive Dinner” upang mabigyan pa rin ng pagkakataon ang kaniyang mga tagahanga na maipakita ang kanilang suporta at makapagbigay ng mensahe sa beauty queen.

Matatandaang isinugod sa ospital si Dee noong 9 Nobyembre matapos makaramdam ng pananakit sa kanang ibabang bahagi ng kaniyang tiyan.

Agad naman siyang sumailalim sa operasyon upang alisin ang kaniyang appendix.

Bagama’t matagumpay ang operasyon, pinayuhan siya ng kaniyang medical team na umiwas muna sa mabibigat na pisikal na aktibidad, partikular sa mga ehersisyong nangangailangan ng matinding puwersa sa bahagi ng tiyan, upang maiwasan ang pangmatagalang komplikasyon.

Bago pa man ang official withdrawal ni Michelle, maging ang ama niya na si Derek Dee ay nakiusap sa beauty queen na unahin muna ang kaniyang kalusugan kaysa sa muling pagsabak sa kompetisyon.

Sa isang mensaheng ibinahagi ni Michelle, ipinaalala ng kaniyang ama na marami na siyang napatunayan sa mundo ng pageantry at wala nang korona ang hihigit sa kahalagahan ng kaniyang kalusugan.

Also read MLBB, kinilala bilang Esports Mobile Game of the Year

“You have nothing left to prove. No crown is worth more than your health, and no competition is more important than your well-being,” ani Derek.

Ipinahayag din ng ama ang kaniyang pagmamalaki sa mga narating ng anak at hiniling na bigyan nito ng sapat na panahon ang sarili upang tuluyang makarekober mula sa operasyon.

Sa pag-atras ni Dee, sina Alexie Mae Brooks at Anne Patricia Lorenzo Diaz na lamang ang magiging pambato ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon.

Nakatakdang ganapin ang coronation night ng MGI All Stars sa 12 Disyembre sa Thailand.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.