Solar Spikers tinapos ang kampanya sa panalo

Tinapos ng Capital1 Solar Spikers ang kampanya sa 2026 PVL All-Filipino Conference sa pamamagitan ng limang-set na panalo kontra Galeries Tower Highrisers, 26-28, 25-19, 21-25, 25-19, 15-10, Huwebes, 19 Nobyembre.
Pinangunahan ni Erika Santos ang Capital1 sa 26 puntos, habang nag-ambag naman si Vanie Gandler ng 20 puntos upang pangunahan ang opensa ng Solar Spikers.
Nagtala ang Solar Spikers ng 3-5 win-loss record upang umangat sa ikapitong puwesto sa standings, ngunit hindi ito naging sapat upang makapasok sa susunod na yugto ng torneo.
Nagawa ng Capital1 na bumangon mula sa 1-2 pagkakaiwan sa sets matapos maagaw ang ikaapat na set at dalhin ang laro sa deciding frame. Tuluyan nitong sinelyuhan ang panalo sa fifth set, sa kabila ng pagkawala ni Bella Belen na hindi nakapaglaro matapos magkasakit.
Ikinatuwa naman ni head coach Jorge Souza de Brito ang panalo, na aniya ay matagal nang hinihintay ng koponan matapos ang kanilang pagsisikap sa buong konperensiya.
“That’s what every team is looking for, waiting for the win. So I’m really happy,” ani de Brito.
Magpapatuloy ang torneo sa huling mga laro ng elimination round, kung saan tatlong koponan — Creamline Cool Smashers, PLDT High Speed Hitters at Choco Mucho Flying Titans — ang maglalaban para sa natitirang dalawang puwesto sa semifinals.






