

Maaaring mauwi sa pag-amin sa mga alegasyon ng pagpatay ang pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling dumalo ito sa confirmation hearing ng International Criminal Court (ICC).
Ito ang naging pahayag ni Atty. Domingo Egon Cayosa, dating national president ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at eksperto sa constitutional law.
“Ito ho opinyon lang, maaaring isang rason kung bakit kung bakit ayaw nilang [defense] ipresenta sa korte siya [Duterte] o magsalita, baka lang ho pangangatawanan yung mga pinagsasabi na niya noon.” ani Cayosa sa isang panayam sa DZBB noong ika-28 ng Pebrero.
Ang pahayag na ito ay bunsod ng paulit-ulit na paggamit ng mga prosecutor sa mga recorded speeches ni Duterte upang patunayan ang kanyang pananagutan sa mga extrajudicial killings na may kaugnayan sa war on drugs noong kanyang termino.
Lakas ng ebidensya
Para kay Cayosa, nakasalalay ang lakas ng prosekusyon sa mga dokumento at recorded evidence.
“Tila bagang ine-encorage niya, at inuutusan ang kapulisan, ‘yung mga iba pang mga tao na i-shortcut niyo na lang ‘yan,” saad ni Cayosa, na syang nagresulta umano sa malaking bilang ng mga napatay sa halip na arestuhin.
Binigyang-diin din niya ang mga dokumentong nagpapakita na ang mga pagpatay ay laganap at isinagawa nang walang due process, kabilang ang kawalan ng maayos na imbestigasyon, pagsasampa ng kaso, at paglilitis sa korte.
Pinuri rin ni Cayosa ang proseso ng pagdinig, kung saan aniya ay nabigyan ang magkabilang panig ng sapat na pagkakataong magsalita at ginagawa lamang ng mga abogado ang kanilang tungkulin.
‘Crimes Against Humanity’
Upang mapatunayan ang crimes against humanity, ipinaliwanag ni Cayosa na dapat ipakita ng prosekusyon na ang mga pagpatay ay laganap, direktang nakatutok sa populasyon ng mga sibilyan gaya ng mga drug user, ay ito ay isinagawa sa pamamagitan ng isang organisasyon, plano, o sistema.
“So, misplaced ‘yung pag-iisip na kinakailangan kung 10,000, kailangang ipakita ‘yung 10,000 kung paano na-involve ang presidente diyan. Hindi ho ganoon ang crimes against humanity,” dagdag niya.
Naniniwala si Cayosa na tutuloy ang kaso sa paglilitis dahil substantial evidence lamang ang kinakailangang antas ng ebidensya sa yugtong ito, at hindi pa kailangang mapatunayan nang beyond reasonable doubt.
Nahaharap si Duterte sa tatlong charges: Mga alegasyon ng pagpatay ng Davao Death Squad (DDS) noong siya ay Aklade pa lamang; pagpatay sa mga high-value targets noong sya ay Presidente na; at mga pagpatay at tangkang pagpatay na may kaugnayan sa mga operasyon sa barangay clearance.
Mayroong 60 araw ang ICC chamber para ilabas ang desisyon kung itutuloy ang kaso sa ganap na paglilitis.