Jillian Ward todo iwas sa love life talk

Tumangging magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa kanyang lovelife ang tinaguriang "Star of the New Gen" na si Jillian Ward, bagama't inamin niyang masaya ang estado ng kanyang puso ngayon.
Sa media conference para sa kanyang unang solo major concert noong Biyernes, muling nausisa ang 21-anyos na Kapuso star tungkol sa kanyang personal na buhay at diretsahang tinanong kung single pa siya o taken na.
Napangiti muna si Jillian bago sumagot, "Hindi ko na lang po idi-disclose talaga, wow! Kasi po… basta I’m happy right now, and ayoko pong mausog ‘yun."
Dagdag pa ng singer-actress, "I’m happy. I am happy po right now. I want to be honest about that. Well, I’m 21, and I’m just happy."
Nabanggit din niya ang kamakailang panayam sa kanya sa "Fast Talk With Boy Abunda," kung saan sinabi niyang masaya ang kanyang puso. Ayon kay Jillian, matapos ang nasabing panayam ay lumabas sa ilang tabloid na mayroon na siyang boyfriend.
"Hindi ko naman po sinabi na boyfriend po mismo. Basta happy ako. I’m inspired," natatawang paliwanag ni Jillian.
Samantala, nakatakdang ganapin ang unang solo concert ni Jillian sa Dis. 8 sa New Frontier Theater sa Quezon City. Makakasama niya rito sina Ogie Alcasid, Flow G, Zephanie at Darren Espanto.
Ang konsiyerto ay ididirehe ni Marvin Caldito, kasama si Adonis Tabanda bilang musical director, sa ilalim ng produksiyon ng StageNova Entertainment Production.







