

Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla na ipabilis ang paglilitis at alisin ang planong special jail cells para sa mga public officials na inakusahan kaugnay ng mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Remulla, hiniling niya sa Department of Interior and Local Government (DILG) na huwag magtayo o magtalaga ng espesyal na detention facilities para sa mga pulitiko na nakaharap sa kaso.
Aniya, ang special jail cells ay maaaring magbigay ng labis na kaginhawaan sa mga high-profile detainees at posibleng maka-delay sa paglilitis.
“Ipinag-utos ko kay DILG Secretary Jonvic Remulla, huwag magtayo ng special jail. Kasi kapag may special jail, mae-enjoy ng mga pulitiko ang pagkakakulong at madedelay lahat ng kaso,” ani Remulla sa kanyang radio program.
Dagdag pa niya, mas magiging interesado ang mga akusadong nakapiit sa regular na pasilidad na mapabilis ang kanilang mga kaso. Ayon sa Ombudsman, nakakita na siya noon ng detention quarters ng ilang akusado na halos parang “country club.”
“Hindi ito pinapayagan. Hindi na dapat mangyari muli,” dagdag niya.
Sa mga nakaraang high-profile cases, ang ilang detainees ay ikinulong sa Philippine National Police Custodial Center, na nakatakdang gibain. Sa kasalukuyan, ang mga inarestong konektado sa alegadong korapsyon sa flood control ay ikinulong sa bagong Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas Road.
Kabilang dito si dating Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., na ang petisyon na mailipat sa PNP Custodial Center ay tinanggihan ng Sandiganbayan.